
Sa huling linggo ng The Bureau of Magical Things, itinuloy na ni Orla Maguire (Melanie Zanetti) ang masamang balak na makuha ang kapangyarihan ng 'Orb of Lemuria,' isang malakas na kapangyarihan na nakatago sa libro.
Nais ni Orla na makontrol sa kanyang mga kamay ang mundo ng tao at ng mahika kaya naman ginawa nito ang lahat ng paraan para makuha ang orb.
Habang inaalam nina Kyra (Kimie Tsukakoshi), Peter (Jamie Carter) at Ruksy (Rainbow Wedell) kung sino ang kumuha sa orb, naramdaman ni Kyra ang kapangyarihan ng orb. Agad itong nagpunta sa silid aklatan at dito na niya nakita si Orla na kinokontrol sina Darra (Julian Cullen) at Lily (Mia Milnes).
Dahil sa pangyayaring ito, pansamantalang nawala ang kapangyarihan ni Kyra, na nagmumula sa orb, at nabura ang kanyang alaala sa mundo ng mahika.
Habang sinusubukan ni Professor Maxwell (Christopher Sommers) at ng iba pang fairies at elves na mabawi kay Orla ang orb, muli namang nagbalik ang alaala at mahika ni Kyra sa mundo ng mga tao sa tulong ni Peter (Jamie Carter).
Agad na nagpunta sa mundo ng mahika si Kyra at dito na niya nalaman na kontrolado ng lahat ni Orla ang dalawang mundo. Agad na gumawa ng paraan ang magkakaibigan para mabawi kay Orla ang orb.
Sama-samang pinagtulungan ng magkakaibigan na maialis sa katawan ni Orla ang orb sa pamamagitan ng kanilang mga mahika, at nagtagumpay ang mga ito. Muling nabawi ni Kyra ang orb at naging payapa na rin ang dalawang mundo.