
“Pwede siyang maging best actress.”
Iyan ang naging pahayag ng dating manager ng Black Rider star na si Herlene Budol, na si Wilbert Tolentino, nang purihin niya ang dating beauty queen. Pinansin din niya ang improvement ng aktres pagdating sa kaniyang acting skills.
Sa interview niya sa online entertainment channel na Marites University, sinabi ni Wilbert na kahit hindi na siya ang manager ni Herlene ngayon ay meron pa rin siyang contribution sa career nito.
Aniya, “Sa career right now, sa lahat ng mga nag-i-inquire sa akin, nag-i-inquire kay Herlene, dumederekta minsan kay Herlene, dumederekta sa Sparkle, ok lang din naman. Kasi kumo-contact din sila sa akin.”
Dagdag pa ni Wilbert ay siya pa rin naman ang consultant ni Herlene “behind the scenes” kapag kailangan ng aktres ng payo.
“Hindi man ako manager niya pero still, andiyan ako lagi sa likod niya and everyday, may constant communication kami,” sabi niya.
BALIKAN ANG CAREER HIGHLIGHTS NI HERLENE SA GALLERY NA ITO:
Nilinaw din niyang ok sila ng dating talent kahit na lumipat na ito ng management nang pumirma ito sa Sparkle, ang talent management agency ng GMA Network.
Lumabas din kamakailan si Wilbert sa Black Rider bilang si Doc Wilford, ang kaibigan na doktor ng karakter ni Herlene na sa Pretty. Aminado siyang naging challenging ang paglabas niya sa serye, ngunit masaya naman siyang naitawid niya iyon kahit wala siyang workshop.
“Ang role ko, doktor, negosyante, tapos ako rin 'yung tumulong kay Herlene du'n sa palabas. And then dito sa palabas na ito, kailangan maghirap siya ulit,” sabi niya.
Ayon kay Wilbert, sa Black Rider niya nakita kung gaano na kalaki ang ipinagbago ni Herlene pagdating sa acting.
“Napakahusay na niya ngayon kasi mula sa safety shot, wide shot, tight shot, kung kaya niyang pumatak ng isang luha, from kanan or kaliwa, kaya niya,” sabi niya.
Dagdag pa ni Wilbert, kung noon ay sinusulat pa ni Herlene ang script na binibigay sa kaniya para makabisa, ngayon, “nakikita ko, isang basa pa lang niya, isang pasada lang sa kaniya, [nakakabisa na]. Siya pa 'yung naggagabay sa akin.”