TV

Naniniwala ba kayo sa mga 'Elemento'?

By MICHELLE CALIGAN



Kilalang magagaling na komedyante ang Bubble Gang mainstays na sina Betong Sumaya, Chariz Solomon at Arny Ross. Pero kahit mahilig silang magpatawa, hindi rin nila itinanggi na mayroon silang kinatatakutan, lalo na ngayong mapapanood ang mga ito sa GMA Halloween series na Elemento.

Tampok sa nasabing programa ang ilan sa mga madalas katakutan ng mga tao, kabilang ang manananggal, kapre, diwata at duwende. Kaya tinanong namin sina Betong, Chariz at Arny kung alin sa apat ang ayaw nilang makita o makaharap.

"Kapre, kasi 'yun ang pinaka nakakatakot. 'Yung diwata baka makachikahan ko pa kasi maganda siya. Sa duwende, cute eh," patawang sagot ni Arny.

Si Betong naman, manananggal ang pinili. "Iba 'yung manananggal, kasi alam mong puwedeng lumipad nang mabilis tapos kakainin ka."

Dagdag pa niya, "May incident kami dati sa Antipolo, sa bahay namin. 'Yung kapatid ko parang may nakita na may gumagalaw sa bubong ng kapatid namin. Naglakad siya at nagtitigan sila, mata sa mata, tapos lumipad bigla."

Para kay Chariz, mas naniniwala daw siya sa multo kaysa sa mga nabanggit.

"Hindi ko masabi, pero sa ghosts, evil spirits, yes. Na-experience ko na sila first hand, at alam naman talaga natin na mayroon."

Ayon pa sa comedienne, mga nananakit pa daw na espirito ang kanyang na-encounter dati, pero tumigil na ito ngayon. "Noong high school ako, mahilig ako manood ng horror movies at marami akong negativity sa katawan. So feeling ko na-invite ko ang evil spirits. Ngayon wala na kasi sobrang positive ko, and sobrang maganda ang relationship namin kay Lord."

Huwag palampasin ang Elemento tuwing Biyernes bago mag-24 Oras.