TV

Pumili ng papanigan sa salpukan ng apoy at niyebe sa 'Ice Fantasy'

Sabay sa pagdating ng init ng summer ngayong taon, handog ng GMA FantaSeries ang isang bagong epikong magpapa-presko ng inyong mga umaga. 
 
Sa mundo ng Ice Fantasy, matagal nang naghihintay ng pagkakataon ang hari ng Tribo ng Apoy na si Huo Yi (Hu Bing) para magsimula ng digmaan laban sa Kaharian ng Niyebe.
 
Darating ito nang misteryosong mamatay si Xin Jue (Jiang Chao), isa sa mga prinsipe ng Tribo ng Apoy, habang nasa kasiyahan na idinaraos para kay Ka Suo (Feng Shaofeng), isa namang prinsipe ng Kaharian ng Niyebe.
 
Hihina ang Kaharian ng Niyebe matapos madakip ang kanilang hari at reyna, at mapaslang ang mga prinsipeng tagapagmana ng trono nito. 
 
Buti na lang, dalawang prinsipe ng Kaharian ng Niyebe ang makakaligtas—si Ka Suo at ang mas nakakabatang kapatid na si Ying Kong Shi (Ma Tianyu). 
 
Kasama ang sugo ng tagapagbantay na si Li Luo (Victoria Song), tatakas ang magkapatid patungo sa mundo ng mga mortal para hanapin ang anim na dahong kristal na magbibigay sa kanila ng kapangyarihan para talunin ang Tribo ng Apoy. 
 
Ang Ice Fantasy ang pinakamalaking drama series sa China sa taong 2016. Ito ay adaptation ng nobelang City of Fantasy mula kay Guo Jingming, isa sa pinakabatang bestselling authors ng China. 
 
Ang award-winning set designer ng Lord of the Rings film series na si Dan Hennah ang nagdisenyo ng mga magagarbong sets ng Ice Fantasy. Bukod sa kanya, ang Pixomondo—international visual effects company na nagtatrabaho para sa The Walking Dead at Game of Thrones—ang namahala sa visual effects ng serye. 
 
Abangan ang visual extravanganza ng Ice Fantasy, Lunes hanggang Biyernes, 9:10 am, simula March 27 sa GMA FantaSeries.