TV

'Pop Talk,' ipaglalaban ang pagkaing Pinoy sa Araw ng Kalayaan

By Bong Godinez

Sampung taon na ang Pop Talk!

At para ipagdiwang ang masayang okasyon na ito ay may inihandang two-part special ang "paboritong review show ng bayan."

Ang makasaysayang Pinaglabanan Shrine sa San Juan ang magiging setting ng Pop Talk ngayong Sabado, June 12, Araw ng Kalayaan.

Ipaglalaban ni host Tonipet Gaba ang mga pagkaing Pinoy na kamakailan lang ay naging kontrobersyal matapos bansagang “very bad” ng isang Fil-Norwegian chef.

Bilang sagot ay bibida ang ilan sa mga proudly Pinoy restaurants na naghahain ng masasarap at “very good” na pagkaing Pinoy na kinagigiliwan hindi lang ng mga Pilipino kundi maging ng local foodies sa USA, London, Amsterdam at Pilipinas.

Kabilang diyan ang Karenderya sa New York na napasama sa listahan ng Esquire magazine bilang isa sa "Best New Restaurants in America."

“In the future, we pray, thousands of small towns in America will have Filipino restaurants as excellent as this one,” banggit ng magazine tungkol sa nasabing restaurant.

“With adobo pork belly braised to crispy meltiness atop garlic rice, and shrimp aswim in a coconut broth that tastes like French cream, and a cassava-jackfruit cake that comes across like a cobbler in which the topping and the filling have magically merged, and a smart beer list that highlights the best of Hudson Valley breweries.”

Sa June 19 ay itatampok naman ng Pop Talk ang ilan sa pinakamakukulay na heirloom at traditional na putahe mula sa Visayas, Cordillera, Mindoro at Laguna.

Sasamahan si Tonipet ng mga espesyal na bisita na sina chef, vlogger at teacher na si Chef RV Manabat, Kapuso sexy comedienne Faye Lorenzo at ang sikat na social media celebrity na si Sassa Gurl.

Kaya makibaka at patuloy na tangkilikin ang pagkaing Pinoy kasama ang Pop Talk tuwing Sabado, 9:50 p.m. sa GTV.