TV

Maja Salvador, planong kunin ang viral kid na si 'Kulot' bilang artista

By EJ Chua

Kamakailan lang, kabilang ang isang anim na taong gulang na batang babae sa itinampok ng Eat Bulaga sa segment na “Bawal Judgemental.”

Siya ay si Princess Katherine Caponpon o mas kilala bilang si “Kulot,” ang batang Batangueña na nag-viral dahil sa isang vlog na umabot sa 17 million views.

Maraming netizens ang nakapanood at naaliw sa video ni Kulot kung saan makikitang sinesermonan at pinapauwi niya ang amang nasa "barikan" o inuman.

Mapapanood din sa viral video na mayroong dalang pamalo si Kulot binalaan niya ang kanyang tatay na papaluin niya ito kapag hindi pa ito umuwi.

Nang tanungin siya ng ilang EB dabarkads, ibinuking ni Kulot na ang kanyang nanay ang nag-utos sa kanya na pauwiin ang kanyang ama.

Isa sa naaliw kay Kulot ay ang actress, dancer, at CEO ng isang talent-management agency na si Maja Salvador.

Nang tanungin naman siya ni Maja kung gusto niya bang mag-artista at payag ba siyang maging manager ang aktres ay agad namang sumagot si Kulot.

Sagot ni Kulot, “Oo siyempre...Uho! [Oo].”

Kasunod nito ay mga salitang binitiwan ng aktres na labis na nakapagbigay ng pag-asa at kasiyahan kay Kulot, "Hahanapin kita diyan sa Batangas…Kaya nga sinasabi ko sa'yo, susunduin kita diyan kung nasaan ka man. Maghanda ka na. Dala ko ang kontrata, hindi module.”

Kasalukuyang napapanood ang aktres sa Eat Bulaga kasama sina Maine Mendoza, MJ Lastimosa, at ang pinakabagong dabarkads na si Miles Ocampo na isa sa mga artistang hina-handle ngayon ni Maja.

Samantala, alamin kung paano nga ba nagsimula ang hilig ni Maja sa pagsasayaw sa gallery na ito: