TV

Ang Dalawang Mrs. Real: Nakulong na sa kasong bigamy si Anthony

By Aimee Anoc

Sa huling linggo ng Ang Dalawang Mrs. Real, tuluyan ng nakulong si Anthony sa kasong bigamy na isinampa ng tatay ni Millet (Maricel Soriano) na si Henry (Robert Arevalo).

Kahit na may nararamdaman para kay Anthony (Dingdong Dantes), tinanggap na ni Shiela (Lovi Poe) na wala na talaga siyang karapatan kay Anthony. Lalaki mang walang ama ang anak niyang si Bubot, ipinangako ni Shiela sa kanyang sarili na palalakihing mabuti ang anak.

Samantala, ipinag-utos naman ng tatay ni Shiela na ipabugbog sa kulungan si Anthony. Sa pagdalaw ng mga magulang ni Anthony na sina Juan at Sonia (Jaime Fabregas at Coney Reyes) sa kulungan, nakita ng mga ito ang pasa ni Anthony sa tagiliran. Binalaan naman ni Juan ang tatay ni Shiela tungkol sa nangyaring pambubugbog kay Anthony sa loob ng kulungan.

Sobra naman ang pag-aalala ni Millet kay Anthony dahil sa hindi ito makapunta sa Cebu. Patuloy pa rin kasing nagpapagaling si Millet sa kanyang depresyon

Kinumpronta naman ni Juan ang tatay ni Shiela tungkol sa nangyaring pambubugbog kay Anthony sa kulungan. Hindi rin naiwasang magkasakitan ang pamilya nina Shiela at Anthony.

Dahil sa pangyayari, muling inatake sa puso ang tatay ni Anthony at malala ang kalagayan nito sa ospital. Hindi naman naiwasang sisihin ni Sonia si Anthony dahil nangyayari ang lahat ng iyon sa kanilang pamilya dahil sa pangangaliwa ng anak.

Samantala, pansamantalang nakalaya si Anthony sa kulungan at lumipad naman papuntang Cebu si Millet.

Tuluyan nang binawian ng buhay ang tatay ni Anthony na si Juan. Sobra-sobra ang naging pagsisi ni Anthony sa harap ng yumaong ama. Hindi naman kaagad natanggap ni Sonia ang pagkawala ng asawa at patuloy na sinisisi si Anthony.

Nalaman na rin ni Millet ang nangyari sa tatay ni Anthony. Samantala, sinugod ni Sonia ang tatay ni Shiela sa bahay nito dahil sa pagkamatay ng asawa. Tinutukan naman ng baril ng tatay ni Shiela si Sonia.

Sa pagbabalik ni Sonia sa bahay ni Anthony, nagkausap sila ni Millet at nagkapatawaran. Tuluyan na ring napatawad ni Millet ang mga magulang ni Anthony.

Sa burol ng tatay ni Anthony, pumunta naman ang nanay ni Millet na si Aurora (Celeste Legaspi) at ipinarating ang pakikiramay nilang mag-asawa. Dumalo naman si Tonton (Marc Justine Alvarez) sa burol at hindi naiwasang sisihin ang ama sa nangyari sa lolo niyang si Juan.

Sa muling pag-uusap nina Anthony at Tonton, agad na humingi ng tawad si Tonton sa nasabi sa ama at nangako naman si Anthony sa anak na aayusin na ang lahat sa kanilang pamilya.

Samantala, nalaman na ni Tonton ang isa pang apo ng lolo Juan niya na si Bubot. Ipinaalam na rin ni Anthony kay Tonton na kapatid niya si Bubot.

Muling nagkaroon ng court hearing si Anthony para sa kasong bigamy. Dumalo rin sa korte sina Millet at Shiela. Kinausap naman ni Shiela si Millet para humingi ng tawad pero hindi pa rin siya napatawad nito. Sa pag-uusap nilang ito, muling inatake ng epilepsy si Shiela.

Samantala, kusa nang hiniling ni Anthony sa korte na hatulan siyang guilty para mapagbayaran ang lahat ng kasalanang nagawa niya. Hindi naman matanggap ni Millet ang ginawang iyon ni Anthony sa korte.

Ipinaalam na rin ni Anthony kay Tonton ang naging hatol ng korte para sa kanya. Humingi rin si Anthony ng tawad sa anak dahil nakulong siya at sinabihan si Tonton na alagaan nang mabuti ang ina.

Makukulong ng limang taon si Anthony sa kasong bigamy.

Mabilis na lumipas ang mga taon at sa paglaya ni Anthony nagkapatawaran na sila ng tatay ni Millet na si Henry. Humingi na rin ng tawad si Henry sa anak at sinabi ni Millet na matagal na niya itong napatawad sa pagpapakulong kay Anthony.

Sa pagbabalik ni Anthony, nakita na rin nito ang mga anak na sina Tonton at Bubot. Ibinalita na rin ni Shiela na malapit na siyang ikasal. Sa pagtatapos, patuloy pa ring nagsama at nagmahalan sina Millet at Anthony.