TV

Jkhriez Pastrana, naninibago kaeksena ang ama na si Dagul sa 'Black Rider'

By Kristian Eric Javier

Parte na ngayong ng action drama series na Black Rider ang Little Biritera na si Jkhriez Pastrana. Dahil first acting experience niya ito, hindi niya maiwasan manibago at ma-pressure dahil bukod sa bida ng serye na si Ruru Madrid, nakakaeksena rin niya ang ama at komedyante na si Dagul.

Sa interview ni Jkhriez sa GMA morning show na Unang Hirit, ibinahagi ng singer kung ano ang naging experience niya sa first acting project.

“Super super nakakagulat and nakaka-pressure din at the same time kasi siyempre first acting experience ko e si Kuya Ruru Madrid agad, grabe,” sabi niya.

Dagdag ni Jkhriez, “At siyempre si papa, parang hindi ako sanay na magkaeksena kami na seryosohan, so parang medyo drama.”

Pagbabahagi pa ni Jkhriez ay tuwing nagkakamali siya ay nakikita niya ang mga mata ng papa niya na para bang pinapagalitan siya nito.

“'Pag mali ko nasabi 'yung line ko, parang 'yung mata niya, pinapagalitan ka, nanlilisik na,” sabi niya.

Bukod sa pagiging parte ng Black Rider, viral din ngayon ang mag-amang sina Jkhriez at Dagul sa TikTok dahil sa kanilang dance videos kaya naman nagpahatid siya ng pasasalamat sa mga sumusuporta sa kanila.

Ngunit ayon kay Jkhriez ay bago pa man nila simulan ang kanilang TikTok videos ay nag-away na silang mag-ama dahil dito.

Pagbabahagi ni Jkhriez, “Kasi hindi siya ma-technology, hindi siya ma-social media. Sabi ko, 'Pa, sige na, hinahanap ka na ng fans mo,' 'di ba nawala ' yung TV show nila? Maraming nag-message sa'kin, 'gumawa kayo ng TikTok videos,' so in-e-explain ko sa kaniya, magtatalo muna kami.”

BALIKAN ANG KUWENTO NG BUHAY NI DAGUL SA 'MAGPAKAILANMAN' SA GALLERY NA ITO:

Noong 2022, ikinuwento ni Dagul ang naranasan niya sa buhay nang magsimula ang pandemya sa Kapuso Mo, Jessica Soho. Pagbabahagi ng komedyante, dahil natigil ang comedy kiddie show niya noong panahon ng pandemya ay hindi na niya alam kung saan kukuha ng pangtustos sa kaniyang pamilya.

Sa ngayon, meron nang 929.5K followers ang TikTok account ni Jkhriez, at meron namang 6.5M likes. Ang dance video nila ni Dagul noong bagong taon, umabot na rin ng 16K likes.