TV

Rayver Cruz at Jak Roberto, 'masaya at blessed' na maging leading men ni Kylie Padilla sa 'Bolera'

By Aimee Anoc

Excited na sina Rayver Cruz at Jak Roberto sa nalalapit na pag-ere ng pinakabago nilang serye sa GMA, ang Bolera.

Sa interview ng GMANetwork.com, ibinahagi nina Rayver at Jak na masaya silang maging leading men ni Kylie Padilla sa sports drama series na ito.

Ayon kay Rayver, natutuwa siya at blessed na makatambal si Kylie sa pagbabalik teleserye ng aktres.

"Syempre masaya and nakakatuwa kasi ito 'yung comeback ni Ms. Kylie Padilla. Very blessed kami na napabilang kami rito at kami 'yung makaka-partner ni Kylie. Napakaganda nung story, napakaganda nung buong show and napakagaling ng lahat. Excited kami," pagbabahagi ni Rayver.

Para naman kay Jak, humanga siya sa dedikasyong ibinigay ni Kylie para sa seryeng ito.

"Working with Kylie po, first ko po s'yang makatrabaho. Na-surprise po talaga ako sa ibinigay niyang dedication at passion sa trabahong ito, dito sa project naming 'Bolera.' Wala akong ibang ma-imagine na artistang gaganap dito kundi siya kasi astigin 'yung role. And knowing Kylie kayang-kaya niyang i-pull off 'yun," sabi ni Jak.

Sa Bolera, gaganap sina Rayver at Jak bilang sina Miguel at Toypits. Makakasama rin nila sa serye sina Gardo Versoza, Joey Marquez, Jaclyn Jose, Al Tantay, David Remo, Via Veloso, Sue Prado, Ge Villamil, at Luri Vincent Nalus.

Abangan ang world premiere ng Bolera ngayong May 30, 8:50 p.m. sa GMA Telebabad.

Samantala, tingnan ang 'pogi' photos ni Rayver Cruz sa gallery na ito: