TV

Gardo Versoza, na-enjoy ang kontrabida role sa 'Bolera'

By Aimee Anoc

Isa si Gardo Versoza sa mahuhusay na aktor na mapapanood sa pinakabagong sports drama series ng GMA na Bolera.

Sa seryeng ito, muling ipapakita ni Gardo ang husay sa pag-arte bilang isang kontrabida. Gagampanan niya ang mayaman at palabang karakter ni Marco Santos o mas kilala bilang si Cobrador.

Sa isang press interview, sinabi ng aktor na na-enjoy niya ang role ni Cobrador sa Bolera.

"Sa akin kasi, basta kahit na anong ibigay sa 'yo, ang importante nae-enjoy mo siya. Kasi otherwise magiging mabigat para sa 'yo gawin ang [role] na 'yun. Siguro kung maihahalintulad ko siya sa TikTok. 'Pag 'yung TikTok mo na ginagawa hindi mo siya personally nae-enjoy, hindi rin mae-enjoy nung mga nanood sa 'yo 'yun," pagbabahagi ni Gardo.

Dagdag niya, "Same thing na kahit ano pang role ang ginagampanan mo be it mabait ka, salbahe ka, bakla o kung ano man ang gagawing karakter ang ibibigay sa 'yo, pinakaimportante para sa akin dapat ma-enjoy mo siya. And then hindi mawawala 'yung dapat ipagdarasal mo muna and 'yung paniniwala mo roon sa project, sa director, at sa mga kaeksena mo."

Ayon kay Gardo, mabibigat man ang mga eksena niya sa Bolera, masarap naman sa feeling dahil "nagja-jive ang lahat."

"Enjoy palagi tuwing uuwi. Palaging nai-inspire akong gumawa ng iba't ibang putahe. Nakakaisip ako kasi nga masaya. The night before aaralin mo kasi 'yung linya mo, aaralin mo 'yung eksena. Sobrang bigat nung eksena pero feeling mo nagja-jive lahat, so masarap 'yung feeling," sabi ng aktor.

Makakasama rin ni Gardo sa seryeng ito sina Kylie Padilla, Rayver Cruz, Jak Roberto, Joey Marquez, Jaclyn Jose, Al Tantay, David Remo, Via Veloso, Sue Prado, Ge Villamil, at Luri Vincent Nalus.

Abangan ang world premiere ng Bolera ngayong May 30, 8:50 p.m., pagkatapos ng First Lady.

Samantala, tingnan ang last taping day ng Bolera sa gallery na ito: