TV

Chariz Solomon, dumami ang shows, projects dahil sa 'Bubble Gang'

By Aedrianne Acar

Walang Chariz Solomon, kung wala ang Bubble Gang.

Ganyan isinalarawan ng Kapuso comedienne na si Chariz Solomon ang naging impact ng Bubble Gang sa kanyang showbiz career.

Diretsahang inamin ng StarStruck alumna nang makapanayam ni Eugene Asis sa virtual media conference para sa 25th anniversary ng gag show last week na naging susi ang show sa tuluy-tuloy na pagdating ng trabaho sa kanya.

Paliwanag ni Chariz, “Ang nakuha ko talaga sa Bubble Gang mas marami pang pera, kasi nakuha ako sa ibang show, e.

“Kasi it gave me the confidence that I needed in showbiz. Kumbaga kaya mo makipagsabayan doon sa mga beterano, sa mga seniors ko.”

Malaking tulong din na na-train siya ng "best of the best" pagdating sa larangan ng komedya.

Aniya, “Meron kang confidence kasi na-train ka dun sa show, na-train ka ni Michael V., kay Ogie Alcasid, kay Rufa Mae Quinto, kay Maureen Larrazabal.

“So meron kang disiplina, mero kang tamang attitude towards work. Iba 'yung work ethics, iba 'yung practice ng Bubble Gang na sabi nga nila kapag may mga gathering ng mga shows, kapag dumating talaga 'yung Bubble Gang or Pepito Manaloto, iba e. Para kaming may bentilador 'yung ganun ba 'yung dating,” dagdag nito.

“So feeling ko, dahil sa Bubble Gang lahat ng meron ako siyempre bukod sa StarStruck kung saan ako nagsimula po, lahat ng meron ako, malaking factor talaga 'yung Bubble Gang.”

Source: Source: chariz_solomon (IG)

Ilan sa mga projects ni Chariz ang award-winning sitcom na Pepito Manaloto, Descendants of the Sun (2019) at Sirkus (2018).

May tatlong anak na si Chariz na sina Apollo, Ali, at Andreas.

Heto naman ang pasilip sa "Ka-Bubble mula noon 'Gang ngayon" anniversary presentation ng Bubble Gang ngayong Biyernes ng gabi, November 26.