TV

Roi Vinzon on his showbiz career: 'Nagbida ako, nagkontrabida ako at wala akong pinagsisisihan'


Isa si Roi Vinzon sa iilang aktor sa showbiz na hanggang ngayon, hindi pa rin natitinag ang kasikatan. Bukod sa kanyang di-matatawarang talento, bihira rin ang pagiging mapagkumbaba ng iconic action star.

Sa exclusive interview na ito ng GMANetwork.com, sinariwa ni Roi Vinzon ang kanyang showbiz journey at ibinahagi ang kanyang mga natutuhan sa loob ng ilang dekada niya sa showbiz.

“Madami akong pinanggalingan, so siguro ito na ‘yung regalo sa akin sa paghihirap ko dati. Wala naman akong kapatid o pinsan sa showbiz. Ako lang talaga mag-isa ang nagsikap,” aniya.

Hindi alam ng marami na noong high school pa lamang siya, naging miyembro ng isang folk-rock band si Roi Vinzon. Sinubukan din niya ang modelling at nagkaroon ng bit roles hanggang sa nabigyan siya ng break bilang isang action star.

Aniya, “Nagbida ako, nagkontrabida ako at wala akong pinagsisisihan. Alam mo, 10 years akong nasa Baguio. Nag-recluse ako doon for a time. May mga anak ako, nabuhay ako ng simple, nagkaroon ng maliit na negosyo, ganun lang.”

“Nagkaroon ako ng mga pelikula thrice or twice a year kina Ronnie (Fernando Poe, Jr.), kina Bong [Revilla] at kina Rudy [Fernandez], ganun lang. Okay naman,” dagdag niya.

Nagbago ang lahat pagkatapos niyang gawin ang pelikulang Tiktik: The Aswang Chronicles. Maliit lamang ang role niya roon pero talagang napansin siya.

Pagbabahagi niya, “Sabi sa akin, bakit hindi ka mag-series? Sabi ko, mamamatay siguro ako sa pagod. 24 hours kasi minsan. Kung magteteleserye ako, ito na lang siguro ang gagawin ko, wala nang films.”

Pagkatapos ng Tiktik: The Aswang Chronicles, napanood ang veteran actor sa mga GMA series na Indio, ang phenomenal Primetime series na My Husband’s Lover at Katipunan. Hanggang ngayon, hindi pa rin nauubusan ng proyekto si Roi Vinzon.

“Nakakatawa kasi ngayon, may mga films din akong ginagawa. Noong MMFF, sabi ni Jeorge Estregan, isasama niya ako sa pelikula niya. ‘Yun ‘yung time ng My Husband’s Lover and Katipunan so sabi ko bigyan ako ng maliit lang na role. Masaya naman ako na kahit maliit lang ‘yung role ay markado naman,” aniya.

Dagdag ni Sir Roi, “Ganyan ako, basta kinukuha ko lahat. Walang maliliit na roles kapag tunay na artista ka. Wala tayong star complex dapat. Anything goes.”

Pagdating naman sa kanyang upcoming GMA Telebabad series na Carmela: Ang Pinakamagandang Babae sa Mundong Ibabaw, ibinahagi ng sikat na aktor na “Iba ang makikita nila sa akin dito. Medyo under sa simula pero over pala talaga. Siguradong maraming magagalit sa akin pero handa na ako.”

Abangan si Roi Vinzon bilang Fernando sa Carmela: Ang Pinakamagandang Babae sa Mundong Ibabaw simula January 27 sa GMA Telebabad.

-Text by Samantha Portillo, Photo by Bochic Estrada, GMANetwork.com