TV

Vic Sotto, sinabing 'very special' ang PMPC Best Comedy Actor award ngayong may pandemya

By Aedrianne Acar

Kita ang ngiti ni Bossing Vic Sotto nang mapagusapan sa grand media conference ng Daddy's Gurl ngayong Martes ng hapon (October 19) ang award na ibinigay sa kanya ng Philippine Movie Press Club (PMPC) sa katatapos na 34th Star Awards for Television.

Wagi ang Eat Bulaga pioneer sa kategoryang Best Comedy Actor para sa performance niya bilang Barak Otogan sa hit Kapuso sitcom.

Sa panayam niya sa GMANetwork.com, isinilarawan niya na “very special” ang parangal na ito na sa kabila ng nararanasan nating pandemya.

Wika ni Bossing, “Very special itong award na ito, dahil during trying times, most of the time I was work from home, pero ganun pa man kinilala pa rin ng ating mga kaibigan sa PMPC 'yung trabaho natin at 'yung ating ginampanan.”

Pagpapatuloy ng comedy legend, “Kaya very thankful ako, sabi ko nga kahit nga may pinagdadaanan tayo ay talagang pagka desidido ka lumaban, desidido ka ayusin ang buhay mo, e, magagantimpilan pa rin."

“It's a kind of hope na hindi tayo dapat mawalan ng pag-asa, lalo na sa mga kababayan natin, mga dabarkads, mga Kapuso na huwag na huwag mawawalan ng pag-asa.”

Binigyan-diin ni Bossing na kahit kabi-kabila ang challenges para i-mount ang kanilang sitcom ngayong may pandemic, hindi raw naisip ni Vic na itigil ang show.

Dagdag niya, ayaw niya mawalan ng trabaho ang mga kasamahan sa sitcom.

Saad ni Bossing, “Kahit ano mangyari, tuloy tayo. We want to show the people na kaya natin ito, of course aside from the fact na ayoko mawalan ng trabaho 'yung aking mga kasama, malaking bagay 'yun e."

“Nababalitaan mo na nga sa paligid mo na nagsara 'yung ganito, nagsara 'yung factory, nagsara 'yung restaurant. Maraming nawawalan ng trabaho, so malaking bagay 'yun na parang naging survival.”

“Sa aming munting kakayahan, e, nakapag-provide kami ng entertainment, konting katatawanan para sa mga nalulungkot natin at namomoroblema nating mga kababayan,” ani Vic.

Tutukan ang mas pinabonggang tawanan sa high-rating Kapuso sitcom na Daddy's Gurl sa Sabado Star Power sa Gabi, pagkatapos ng #MPK (Magpakailanman).

Silipin naman ang bonding moments ng Daddy's Gurl cast sa gallery below.