TV

EXCLUSIVE: Jessa Chichirita, nakapasok sa showbiz dahil kay Eugene Domingo

By Cherry Sun

Tumatanaw ng utang na loob si Jessa Chichirita kay Eugene Domingo dahil ang Kapuso star ang naging daan sa pagsisimula niya sa showbiz.

Napapanood ngayon si Jessa bilang si Mercy sa Kapuso comedy anthology na Dear Uge. Bahagi niya sa exclusive interview ng GMANetwork.com, ang programa raw ni Eugene ang nagbigay sa kanya ng big break.

Aniya, “Mahilig kasi ako mag-post ng mga funny videos ko sa Facebook at nagba-viral siya. Pino-post ko 'yung kahit anong tungkol sa akin, ini-intimidate ko 'yung sarili ko which is gustong-gusto naman ng mga tao. Tsaka nagwa-one million views siya. Marunong kasi ako magkambing, tapos nagagaya ko 'yung boses ni Rufa Mae Quinto. Tapos nung nag-viral 'yung video ko, merong kumuha sa akin from Dear Uge na kung pwede raw mag-guest daw ako or um-extra lang.”

Hindi raw niya inaasahan na magiging regular siya sa programa kaya naman malaki ang pasasalamat niya kay Eugene.

Sambit ni Jessa, “Hanggang sa nandun na ako sa set, natuwa sa akin si Ms. Eugene Domingo. Big break talaga sa akin. So ayun na, nagtuloy-tuloy na siya hanggang sa every Sunday na ako nandoon sa Dear Uge.”

Si Jessa ay malapit na rin mapanood sa Daddy's Gurl, ang pinakabagong Kapuso sitcom na pagbibidahan nina Vic Sotto, Maine Mendoza, Wally Bayola at Oyo Sotto.