TV

Finale ng 'Descendants of the Sun PH,' mapapanood ngayong Pasko

By Jansen Ramos

Ngayong Pasko, December 25, mapapanood ang finale ng Descendants of the Sun (The Philippine Adaptation).

Sa huling linggo ng GMA primetime series, gagawing hostage ni Greg (Ian Ignacio) si Maxine (Jennylyn Mercado) para takutin at mahuli ang kapatid nitong dating PRG leader na si Rodel (Neil Ryan Sese).

Dahil sa pagmamahal kay Maxine, pilit sasagipin ni Lucas (Dingdong Dantes) ang kanyang nobya mula sa kamay ni Greg.

Magkakaroon ng engkuwentro ang alpha team at ang grupo ni Greg na magreresulta sa isang kamatayan.

Ang nasabing eksena ay kinunan noong lock-in taping ng Descendants of the Sun (The Philipppine Adaptation) noong Setyembre, kung kailan ipinatupad ang general community quarantine.

Sa behind-the-scenes video ng GMANetwork, mapapanood kung paano pinaghandaan ng cast ang kanilang mga eksena, kabilang ang pagtugis ng alpha team sa grupo ni Greg, ngayong new normal.

Challenging ang new normal taping dahil sa ipinatupad na health and safety guidelines kaya naman hanga ang male lead na si Dingdong Dantes, gumaganap kay Lucas, sa resiliency ng kanyang mga katrabaho on and off cam.

Sa media conference ng DOTS PH TV return, sambit ng Primetime King, "Imagine, we were able to bounce back amidst the pandemic at alam kong hindi naging madali for production 'yan pero nagawi namin at natapos namin."

Aminado si Dingdong na hindi nila mahihigitan ang original version ng Descendants of the Sun. Gayunpaman, naniniwala siyang pinakamahalaga naman daw na maipakita ang Pinoy context ng istorya.

Wika niya, "'Yun naman 'yung tungkulin natin dito as storytellers. It's not overshadowing the other one, it's not to be better with the other one but at least gawin nating maayos ang pagkuwento ng version natin na ito."

Bukod kay Dingdong, ang Descendants of the Sun (The Philippine Adaptation) ay pinagbibidahan din ni Jennylyn Mercado, kasama sina Rocco Nacino at Jasmine Curtis-Smith na gumaganap sa papel nina Diego at Moira.

Tampok din sa serye sina Andre Paras, Chariz Solomon, Paul Salas, Jon Lucas, Lucho Ayala, Prince Clemente, Renz Fernandez, Ian Ignacio, Nicole Donesa, Jenzel Angeles, at Rich Asuncion.

Gabi-gabi ring napapanood sa GMA drama ang mga batikang aktor na sina Neil Ryan Sese, Ricardo Cepeda, Antonio Aquitania, at iba pa.

Unang ipinalabas ang Descendants of the Sun (The Philippine Adaptation) noong February 10.

Matapos ang mahigit isang buwan, nahinto ang pagpapalabas nito sa telebisyon nang masuspindi ang taping nito bunsod ng COVID-19 quarantine.

Muling ipinalabas sa telebisyon ang Descendants of the Sun (The Philippine Adaptation) noong October 26. Nagkaroon muna ito ng eight-day recap bago ipalabas ang new episodes.

Bukod sa telebisyon, maaring mapanood ang serye sa GMANetwork.com o GMA Network app at Netflix Philippines.

Matatandaang nagbigay karangalan para sa GMA at sa bansa ang Descendants of the Sun (The Philippine Adaptation) matapos gawaran bilang Most Popular Foreign Drama of the Year ng 15th Seoul International Drama Awards noong Setyembre.