TV

Lucas proposes to Maxine in 'Descendants of the Sun PH' finale

By Jansen Ramos

Ipinalabas ang huling episode ng Descendants of the Sun (The Philippine Adaptation) noong Biyernes, December 25.

Sa pagtatapos ng serye, napawi ang lahat ng sakit at hirap na nadarama nina Maxine (Jennylyn Mercado) at Moira (Jasmine Curtis-Smith) nang malamang buhay sina Lucas (Dingdong Dantes) at Diego (Rocco Nacino).

Matapos makaligtas sa pagsabog, humingi ng tawad si Lt. Col. Garcia sa kanyang anak na si Moira at sa kasintahan nitong si Diego.

Samantala, kinuha na rin ni Lucas ang pagkakataong na hingin ang kamay ni Maxine sa kasal at hindi naman nag-atubiling umoo ang doktora.

Napag-alaman din nila na engaged na rin sina Diego at Moira kaya humirit ng double wedding ang alpha team leader.

Habang ipinagdiriwang nila ang kanilang pag-iibigan at tagumpay kontra PRG, may narinig na malakas na pagsabog ang grupo na tila panibagong misyon na haharapin ng alpha team at ng medical team.

Kapuso, maraming salamat sa pagtangkilik sa Descendants of the Sun (The Philippine Adaptation).

Simula Lunes, December 28, mapapanood na ang pagbabalik ng Love of My Life bilang kapalit ng Pinoy version ng South Korean drama sa GMA Telebabad.

Pinagbibidahan ito nina Rhian Ramos, Carla Abellana, Mikael Daez, at Coney Reyes.

Samantala, kung nais n'yong balikan ang full episodes ng Descendants of the Sun (The Philippine Adaptation), maaari itong i-stream sa GMANetwork.com o GMA Network app.

Available din ang serye sa Netflix Philippines.