TV

Winning team sa 'Family Feud,' nakahula ng limang top answers sa 'Fast Money Round'

By Jimboy Napoles

Wagi ng PhP200,000 jackpot prize ang grupo ng mga empleyado mula sa advertising agency na Team #DXFactor sa kanilang paglalaro sa Family Feud, kasama ang game master na si Dingdong Dantes, kahapon, June 1.

Ang nasabing team ay binubuo ng Dentsu Philippines employees na sina Mon Manuel, senior buying manager; Illin Rodriguez, associate media director; Joy Reyes, media buyer; at Berns Solomon, communication planning manager.

Sa naturang episode, nakalaban nila ang kapwa creative employees ng isa pang advertising agency na Carat Philipiines na Team Caratdicals. Ang kanilang team ay binubuo nina AJ Domingo, campaign manager; Mathew Shau at Aly Alindayu, digital strategists, at Gian Reyes, social media manager.

Sa kanilang game, leading na agad ang Team #DXFactor sa first round at hindi na nila hinayaan pang makapuntos ang kalabang team hanggang sa fourth round.

Sa last round na “Fast Money Round,” sina Illin at Berns ang sumalang upang makihula, kung saan nakabuo sila ng 247 points na score.

Dito ay record-breaking din ang naging puntos ng nasabing team dahil ito ang unang pagkakataon na may nakahula ng kumpletong limang top answers sa nasabing round na nagawa ni Illin.

“First time sa history ng Family Feud na nagkaroon ng limang top answers, sunod-sunod,” sabi ni Dingdong sa Team #DXFactor.

Tumutok finale week ng Family Feud, simula sa June 5, Lunes hanggang Biyernes, 5:40 ng hapon sa GMA . Maaari rin itong mapanood via livestream sa Family Feud YouTube channel at Family Feud show page sa GMANetwork.com.

KILALANIN ANG ILAN PANG NAGING JACKPOT WINNERS SA FAMILY FEUD SA GALLERY NA ITO: