TV

'StarStruck' 7, ikapitong jackpot prize winner sa 'Family Feud' Philippines

By Jimboy Napoles

May buena manong jackpot prize winner ang Family Feud ngayong buwan ng Mayo dahil panalo ng PhP 200,000 jackpot prize ang team StarStruck 7 sa kanilang paglalaro sa episode ng programa ngayong Lunes (May 2).

Ang team StarStruck 7 ay binubuo ng mga alumni ng reality show sa pangunguna ng season seven ultimate male survivor na si Kim de Leon, kasama sina Lexi Gonzales, Dani Porter at Jeremy Sabido.

Sa nasabing episode nakaharap nila ang Team Tambay na binubuo ng social media stars na sina Balong, Mata, Aira, at Pio Balbuena.

Naungusan ng team StarStruck 7 ang Team Tambay sa third round ng game show kung saan nakakuha sila ng pinakamataas na score.

Ang teen actors na sina Kim at Jeremy ang sumalang sa fast money round kung saan nakabuo sila ng 202 points na pasok upang maiuwi ang jackpot prize.

Dahil dito, ang team StarStruck 7 ang tinanghal na ikapitong jackpot prize winner ng Family Feud Philippines sa edisyon nito ngayong taon.

Una itong naipanalo ng Team Beki o reyna ng mga comedy bars na sina Petite, Pepay, Beki, at Osang sa pilot week ng nasabing programa.

Sinundan sila ng Team TikTokerist na binubuo ng social media influencers na sina Christian Antolin, Ate Dick, Pipay, at Gaiapoly.

Ikatlo ay ang Team Bubble Gang kasama ang Kapuso stars na sina Sef Cadayona, Mikoy Morales, Denise Barbacena, at Diego Llorico.

Ikaapat naman ay ang Team Gameboys na sina Elijah Canlas, Sue Prado, Kych Minemoto at Miggy Jimenez.

Ikalima, naman ang Team Fit and Fab nina Rochelle Pangilinan, Luane Dy, Max Collins, at Noelle Samson.

Habang ikaanim ang Moreno family na sina Federico Moreno, Harlene Bautista, Luis Gabriel Moreno, at Jaime Moreno.

Makakatanggap naman ng PhP20,000 ang PAWSsion Project bilang chosen charity ng team StarStruck 7.

Patuloy na tumutok sa Family Feud, Lunes hanggang Biyernes, 5:45 p.m. sa GMA o bisitahin ang Family Feud show page sa GMA Network website upang mapanood ang live streaming.

Samantala, mas kilalanin naman ang StarStruck season 7 ultimate survivor na si Kim de Leon sa gallery na ito.