TV

'Censored' na sagot ng cosplayer na si Buunja sa 'Family Feud,' nag-viral sa social media

By Jimboy Napoles

Usap-usapan ngayon sa social media ang naging sagot ng sikat na cosplayer at streamer na si Buunja Agustin sa isang survey question ng game master na si Dingdong Dantes nang maging guest player ito sa weekday game show ng GMA na Family Feud, nitong Miyerkules, October 19.

Sa nasabing episode ng programa, kasama ni Buunja sa team na League of Lodis ang kapwa niya cosplayers na sina Roxanne Kho, Zackt Tolosa, at Charess Mabia, kung saan nakalaban naman nila ang team Nightmares Manila na sina Dan Recososa, Hades Kitane, Jemdee Celis, at Rosan Mendoza.

Sa episode na ito, nanalo ang team League of Lodis laban sa Nightmares Manila kung kaya't sila ang naglaro sa huling round ng game show na Fast Money round.

Sina Zackt at Buunja ang sumalang sa round na ito, kung saan kailangan nilang sagutin ang tig-limang survey questions sa loob ng 20 segundo.

Isa sa tanong kay Buunja ay, "In Filipino, anong body part ang nagsisimula sa letter 'T?'"

Mabilis naman itong sinagot ni Buunja at siabi ang tawag sa ari ng lalaki, pero zero points ang lumabas sa sagot niya na ito sa survey board.

Sa social media agad na naging usap-usapan ang diretsahang sagot ni Buunja at umani ng sari-saring reaksyon mula sa netizens.

"Buti nga hindi siya nag pass..parte naman talaga ng katawan. Tawag dyan naughty and witty, but not bobo. Aminin ang dami nating tawa," comment ng isang netizen sa isang shared Facebook post ng episode.

"Hahaha sa lahat ng bahagi ng katawan na nagsisimula sa letter T, yan ang una niyang naisip," komento pa ng isang netizen.

Bigo man na makuha ang jackpot prize na PhP200,000 ay nag-uwi pa rin ang team League of Lodis ng PhP100,000.

Tumutok sa Family Feud, Lunes hanggang Biyernes, 5:40 ng hapon sa GMA . Maaari rin itong mapanood via livestream sa Family Feud YouTube channel at Family Feud show page sa GMANetwork.com.

SILIPIN NAMAN ANG HOTTEST COSTUMES NG CELEBRITY COSPLAYER NA SI MYRTLE SARROSA SA GALLERY NA ITO: