TV

Shayne Sava, may tanong sa kaniyang ama na nang-iwan sa kanila noon: 'Hindi mo ba talaga kami mahal?'

By Jimboy Napoles

Mabilis na naging emosyonal ang Sparkle actress na si Shayne Sava sa Fast Talk with Boy Abunda nang mapag-usapan ang naging pag-iwan sa kanila noon ng kaniyang ama.

Sa episode ng naturang programa ngayong Biyernes, game na sumalang sa isang back-to-back interview si Shayne kasama ang kaniyang on-screen partner na si Abdul Raman.

Sa kanilang panayam, isa sa mga naging unang tanong ng batikang TV host na si Boy Abunda ay tungkol sa kanilang ama.

Kuwento ni Shayne, anim na taong gulang pa lamang siya nang iwan sila noon ng kaniyang ama at sumama sa ibang babae na ipinakilala lamang na kaibigan noong una.

Aminado si Shayne na bagamat nag-uusap na silang muli ng kaniyang ama ay hindi pa rin maalis ang mga tanong sa kaniyang isipan kung bakit sila iniwan nito noon.

Tanong ng aktres sa kaniyang ama, “Kung nanonood ka po ngayon, gusto ko lang tanungin kung hindi pa ba kami naging sapat sa'yo nu'ng mga bata kami, kung bakit mo kami iniwan? Hindi mo ba talaga kami mahal?”

Ayon pa sa AraBella actress, “traumatizing” nang nakita niya noon kung paano gumuho ang mundo ng kaniyang ina nang makipaghiwalay ang kaniyang ama.

Aniya, “As in nakita ko kung paano nag-beg 'yung mama ko, lumuhod po talaga siya. Tapos nu'ng umalis na po talaga 'yung daddy ko it was really traumatizing kasi nakita ko kung gaano kawasak 'yung mama ko no'n.”

Nagpapasalamat naman si Shayne sa kaniyang ina dahil ito ang kaniyang itinuturing na superhero ng kaniyang buhay.

“Gusto ko lang po sabihin sa inyo na I'm very very proud of you kasi superhero ko po kayo. Kung wala ka po sa amin hindi ko po alam kung saan kami pupulutin hanggang ngayon. And sobra po akong nagpapasalamat sa inyo kaya I love you so much, mama,” ani Shayne.

Paglilinaw naman ni Shayne, bumabawi na sa kanila ngayon ang kaniyang ama lalo na sa kaniyang nakababatang kapatid.

Patuloy naman na tumutok sa Fast Talk with Boy Abunda pagkatapos ng The Seed of Love sa GMA Afternoon Prime via television broadcast sa GMA at sa iba pang digital platforms.

MAS KILALANIN SI SHAYNE SAVA SA GALLERY NA ITO: