TV

Mavy Legaspi on the definition of love: 'Kyline Alcantara'

By Jimboy Napoles

Hindi naiwasang kiligin ng Kapuso heartthrob na si Mavy Legaspi sa kaniyang panayam sa Fast Talk with Boy Abunda nang mapag-usapan ang kaniyang on-screen partner na si Kyline Alcantara.

Sa pagsalang ni Mavy sa “Fast Talk” kasama ang batikang TV host na si Boy Abunda, ilan sa mga naging katanungan sa kaniya ay tungkol kay Kyline.

“Oo o hindi, in love ka ngayon?” tanong ni Boy kay Mavy.

Saglit na napahinto ang aktor sa tanong ng host at sinabing, “In love ako, Tito Boy.”

Matapos ito, muling nagtanong si Boy, “In one word, describe Kyline Alcantara.”

“My World,” proud na sinagot ni Mavy.

Hindi pa man nakakaahon sa kilig sa sinagot ni Mavy, muling sumundot ng tanong si Boy, “Complete the sentence, love is…”

“Kyline Alcantara,” kinikilig na sinabi ni Mavy.

Dahil dito pabirong tumayo si Boy sa kaniyang kinauupuan at sinabing, “I'm gonna go. I'm going home.”

Hindi naman ito ang unang beses na naging totoo si Mavy sa kaniyang nararamdaman para kay Kyline dahil nauna niya nang sinabi sa kaniyang past interviews na espesyal sa kaniya ang dalagang aktres.

Samantala, sa kanilang panayam din ni Boy, inamin ni Mavy na protective siya kay Kyline at naiintindihan naman ito ng aktres.

Sa kabila ng pagiging “in love” ni Mavy, hindi naman umano nawawala sa isip ng aktor ang aral na itinuro sa kaniya ng kaniyang mga magulang na sina Zoren Legaspi at Carmina Villarroel.

Aniya, “Lagi nilang nire-remind sa akin 'yung time. Always trust the time and don't rush things, 'yun ang pinaka-importante. I guess 'yung mistake na ginagawa ng kabataan is minamadali nila kasi na-e-excite sila, their love is so pure and so strong they're in a rush to keep loving.”

“It's not a problem but sometimes talaga hindi dapat 'yun 'yung buhay mo kasi ang dami pa e,” dagdag pa niya.

Samantala, mapapanood naman sina Mavy at Kyline sa upcoming kilig series ng GMA na Love At First Read. Mapapanood ang nasabing series simula sa Lunes, June 12, pagkatapos ng 24 Oras.

Patuloy naman na tumutok sa Fast Talk with Boy Abunda pagkatapos ng The Seed of Love sa GMA Afternoon Prime via television broadcast sa GMA at sa iba pang digital platforms.

SILIPIN ANG SWEETEST PHOTOS NINA MAVY AT KYLINE SA GALLERY NA ITO: