
Nagbabalik na si Kris Bernal sa pag-arte via weekly drama anthology na Tadhana matapos ang dalawang taon. Tampok siya sa kwentong "Abo ng Kahapon" kung saan gumaganap siya bilang isang Pinoy OFW na biktima ng wildfire sa Amerika.
Ginugol ng aktres ang kanyang dalawang taon sa pagiging ina sa kanyang one-year-old daughter na si Hailee Lucca.
Kahit pansamantalang nawala sa limelight, kitang kita na masagana ang buhay ni Kris base sa life updates na ipinopost niya sa social media.
Hindi tuloy naiwasang maintriga ang estado ng buhay ng celebrity mom nang makapanayam ni Boy Abunda sa Fast Talk with Boy Abunda noong Lunes, March 10.
Tanong ng King of Talk sa aktres, "Gaano ka na kayaman ngayon?"
Nananatiling mapagpakumbaba si Kris na mabilis na sumagot na, "'Di ako mayaman."
Kasalukuyang nagpapatayo si Kris at kanyang non-showbiz husband na si Perry Choi, isang chef at businessman, ng malaking bahay na mala-mansyon, ayon kay Tito Boy.
Pakli ni Kris, "'Di po mansyon 'yun, mukha lang dahil siguro sa shot."
Ang pamilya ng asawa ni Kris ay nagmamay-ari ng isang retail company at distributor ng dry and frozen food products.
"Hardworking" kung ilarawan ni Kris ang kanyang businessman husband dahil dugo't pawis ang puhunan nito kaya na-e-enjoy nila ang komportableng buhay. Sabi niya, "'Di po ako mayaman pero 'yung asawa ko po, good provider masasabi ko."
Aminado si Kris na privilege siya dahil kaya siyang buhayin ng kanyang mister pero, aniya, nasa sistema pa rin niya ang magtrabaho lalo na at passion niya ang acting.
Aniya, "Sa totoo lang, puwedeng 'di ako magtrabaho. Ako lang naman itong nangungulit na gustong bumalik."
Suportado naman siya ni Perry sa kanyang career. Hindi rin daw ito seloso at open-minded pagdating sa trabaho ng aktres. Lahat daw ay napag-uusapan nila, maging ang mga ex niya.
Ayon pa kay Kris, mas tahimik at mas may privacy kapag hindi celebrity ang partner.
Paliwanag niya, "Kasi do'n sa mga showbiz ko na boyfriends, gusto rin laging nasa limelight."
Panoorin ang buong panayam sa ibaba:
Mapapanood si Kris sa dalawa pang episode ng Tadhana sa March 15 at March 22, 3:15 p.m. sa GMA.