
Hindi makapaniwala si Kapuso First Lady of Primetime Sanya Lopez nang akusahan siyang loveteam threat at loveteam slayer ng fans nang makapareha niya si Pambansang Ginoo David Licauco sa pelikula nilang Samahan ng mga Makasalanan. Parte ang aktor ng loveteam na BarDa kasama ang aktres na si Barbie Forteza.
Matatandaan din na naging ka-loveteam ni Sanya si Alden Richards sa hit historical drama series na Pulang Araw, na noon ay ka-love team din ni Kathryn Bernardo sa sequel film nila na Hello, Love, Again.
Sa pagbisita niya sa Fast Talk with Boy Abunda noong Biyernes, March, 28, hiningan ni King of Talk Boy Abunda si Sanya ng reaksyon sa bagong bansag sa kaniya. Ang nasabi lang ng aktres, “Really?”
Ngunit kahit ganito ang bansag kay Sanya ngayon, itinuturing pa rin niya na isang blessing ang makapareha sina David at Alden, at ang iba niyang mga nakatrabaho, dahil naniniwala siyang best actors at actresses sila.
“Napakahuhusay nila, magagaling po silang lahat. At to be partnered po with Alden and David now, it's a privilege po na makasama sila,” sabi ng aktres.
Wika pa ng First Lady of Primetime, hindi niya pansin ang mga negatibong komento ngayon sa kaniya dahil sa huli, nagtatrabaho lang sila at ginagampanan lang nila, bilang mga aktor, ang kanilang roles.
“It's work. So 'yun po 'yung goal ko at importante po sa'kin na every time na merong pina-partner sa'kin, Tito Boy, mag-work 'yung chemistry namin,” sabi ni Sanya.
RELATED CONTENT: BALIKAN ANG ILAN SA MGA KAPUSO LOVETEAM PHOTOS NA PAPASA BILANG PRENUP SHOTS SA GALLERY NA ITO:
Sang-ayon din si Sanya sa pahayag ni Tito Boy na bilang fan, nagiging emosyonal siya kapag nagkaroon ng ibang partner ang hinahangaan niyang artista. Sa katunayan, pag-amin ng aktres, ay may mga pagkakataon pa na nagseselos siya, bilang fan, 'pag may ibang kapareha ang hinahangaang love team.
“Tapos meron ding moment na nagseselos ka, kahit fan ka lang, nagseselos ka, 'Bakit siya 'yung pinartner?' Sometimes, meron tayong ganu'n na sarili lang natin iniisip natin,” sabi ng aktres.
Ngunit paalala ni Sanya sa fans, “Pero if you're a fan talaga at you really love 'yung taong sinusuportahan mo, susuportahan mo siya kahit sino pa [ang ka-loveteam].”