TV

Sen. Chiz Escudero, biniro ng mga kapwa senador tungkol sa kanyang love life

By Dianne Mariano

Nasaksihan ang sandaling biruan ng mga senador sa isang sesyon tungkol sa love life ng kanilang kasamahang si Senator Francis "Chiz" Escudero, ang asawa ni Kapuso star Heart Evangelista.

Sa “Today's Talk” segment ng Fast Talk with Boy Abunda, ipinalabas ang video kung saan biniro si Sen. Chiz ng kanyang mga kapwa senador, na tila nagpapahiwatig na mabuti ang lagay ng kanyang buhay pag-ibig ngayon.

Ayon sa mga public official, napansin nila ang magandang ngiti at aura ng kanilang colleague, na matagal na nilang hindi nakikita mula rito.

“Together with each and every member of this body, I would like to warmly welcome our colleague and my seatmate, Senator Chiz [Escudero]. First time in a long time we've seen that smile on his face with a wonderful aura and I think if there is anything we learned from this, love is worth fighting for,” ani Senator Grace Poe sa kanyang pagbati kay Sen. Chiz.

Ayon naman kay Senate President Juan Miguel “Migz” Zubiri, sinuspinde niya ang sesyon upang magbigay-pugay sa kanilang kasamahan.

Aniya, “I wanted to go down and also give a big hug to my dear friend and classmate in Congress. We believe in second chances.”

Dagdag naman ni Senator Joel Villanueva, “We heart Chiz.”

Para sa batikang talk show host na si Boy Abunda, itinuturing niyang “refreshing” na makita ang mga senador na nagbibigay-pugay sa pag-ibig.

“It's refreshing to see our senators pay tribute to love. Alam ko na sanay tayo na napapanood ang mga intense debate, disagreements sa senado, lalo na sa floor. Pero ito ay refreshing and we realize that they are human beings like us.

"Human beings prone to love, to laughter, to lokohan, at natutuwa ho ako dahil hindi natatakot ang ating mga senador to share with us 'yung kanilang humanity. They paid tribute to love. They paid tribute to the power of love today,” saad niya.

Ibinahagi rin ni Tito Boy ang naging pag-uusap nila ni Senator Chiz tungkol sa reaksyon nito nang biruin siya ng kanyang mga kasamahan.

“'When I spoke to Chiz, sabi ni Chiz, 'Oo nga, e. Pinaglololoko nga nila ako, wala naman silang alam.' Ang cute," kuwento niya.

Noong nakaraang taon, naging usap-usapan ang di umano'y pagiging alanganin ng relasyon nina Heart at Chiz matapos ibahagi ng fashion icon na mayroon siyang mga personal na pinagdadaanan.

Natapos ang espekulasyon tungkol sa hiwalayan ng dalawa nang ibahagi ni Heart sa Instagram ang holiday photos kasama si Chiz at ang mga anak ng senador na sina Quino at Chesi nitong Disyembre.

Panoorin ang recent 'Today's Talk' ng Fast Talk with Boy Abunda sa video na ito.

Para naman sa iba pang maiinit na showbiz balita, tumutok sa Fast Talk with Boy Abunda, Lunes hanggang Biyernes, 4:05 p.m., sa loob ng 20 minuto sa GMA Afternoon Prime via television broadcast sa GMA at sa iba pang digital platforms.

SAMANTALA, SILIPIN ANG PARIS DATE NIGHT NINA HEART AT CHIZ SA GALLERY NA ITO: