TV

Sunshine Cruz, sinabihan ang ex-hubby na si Cesar Montano: 'Magpakabait ka na'

By Nherz Almo

Sinabihan daw ni Sunshine Cruz ang dati niyang asawang si Cesar Montano na “magpakabait na” sa kasalukuyang partner nito.

Sa panayam ng Fast Talk With Boy Abunda, natanong ang Underage actress tungkol sa pinag-usapang pagsasama muli niya at ng aktor, kasama ang kanilang mga anak, sa ilang okasyon.

Isa na rito ang pagdiriwang ng ika-18 kaarawan ng anak nilang si Samantha noong August 2022. Magkakasama rin nilang sinalubong ang bagong taon.

A post shared by Sunshine Cruz (@sunshinecruz718)

Si Sunshine ay may tatlong anak na babae kay Cesar: sina Angelina, Samantha, at Chesca. Habang si Cesar ay may tatlong anak din sa kanyang partner ngayon na si Kath Angeles na nagngangalang Samuel, Liam, at Kristen.

Ayon kay Sunshine, masaya siya dahil nagkaayos na sila ng dating asawa, lalo pa't tila nagbigay ito ng ningning sa buhay ng kanilang mga anak.

“Very, very happy ako kasi nakikita ko kung papaano nagsa-shine ang mga eyes ng mga anak ko. At sila na mismo ang nagsabi na yung piece na yun, na lacking sa heart nila, na parang puzzle nabuo ulit,” sabi ng aktres sa host ng programa na si Boy Abunda.

Kasunod nito, pabiro niyang inilahad ang bilin niya kay Cesar, “Sabi ko nga kay Cesar, 'Magpakabait ka na d'yan kay Kath. Napakaganda, napakabait, napakasuwerte mo!' Mag-behave siya kasi kung hindi, makakaaway niya kaming lahat ng mga anak ko.”

Pagkatapos ay muling sinabi ni Sunshine, “I am very happy sa relationship that I have with all of them.”

Samantala, sa kabila ng breakup nila ni Macky Mathay, sinabi ng aktres na, “I am very, very happy that I am okay.”

Bago matapos ang programa, hiningi ni Tito Boy ang mensahe ni Sunshine para sa sarili.

Sabi ng aktres habang tinitingnan ang sarili sa salamin, “Sunshine, I'm so sorry kung sobra-sobra kang magmahal ng tao. And thank you, thank you kasi nagmahal ka man ng buong-buo, alam ko nabe-bless at nakikita ng Diyos kung ano ang talagang nasa puso mo.”

Panoorin ang kabuuan ng panayam kay Sunshine sa video ng Fast Talk With Boy Abunda sa itaas.

SAMANTALA, TINGNAN ANG RELATIONSHIP TIMELING NG DATING MAGKASINTAHANG SINA SUNSHINE AT MACKY DITO: