TV

EXCLUSIVE: 'First Yaya' character ni Sanya Lopez, malapit sa katauhan ng aktres

By Cherry Sun

Nakaka-relate daw si Sanya Lopez kay Yaya Melody sa upcoming Kapuso rom-com series na First Yaya. Hindi lang ito dahil sa maalaga at marunong sa gawaing-bahay ang aktres ngunit dahil nalalapit ang kanyang personality sa kanyang gagampanang role.

Inanunsyo noong October 12 na si Sanya ang napili ng GMA Network at production team upang gumanap sa title role ng First Yaya.

Top choice daw ang Kapuso aktres lalo na't napansin din nilang hindi nalalayo ang katauhan nito sa kanyang gagawing TV character.

Sa exclusive interview ni Sanya sa GMANetwork.com ay ipinakilala niya si Yaya Melody.

Aniya, “Alam niya kung paano hawakan 'yung isang bagay, 'yung isang sitwasyon.

"So si Melody 'yung parang kahit anong ibigay mo sa kanya pakiramdam mo kakayanin ni Yaya Melody. Very positive siyang tao and sobrang matutuwa ka sa kanya.

"Ang sarap niyang makisama and at the same time meron din naman siyang panahon na siyempre may nararamdaman din siya na sakit at alam niya kung kailan 'yun gagawin, kung kailan niya kailangan umiyak. Iiiyak ko na ba 'to? Parang ganun. Kailangan ko na bang magin masaya? Ganyan siya eh.

"So lahat ng ng nangyayari sa kanya, pinag-iisipan niyang mabuti, nakaplano lahat. Parang ganun. So hangga't kaya niya, gagawin niya. Ganun siya.

"Hangga't kaya kong pigilan kung anong nararamdaman ko, iki-keep ko lang 'to sa sarili ko. Ganun si Yaya Melody.

“Pero 'yun 'yung maganda sa kanya, very positive siyang tao at talagang kumbaga 'yung pagiging positive niya, madadamay ka.

"'Yung ang saya niyang tingnan tapos malungkot ako tapos 'pag makita ko siya, ang saya niya. Ang ganda niyang tingnan. Parang ganun.

"Nakakapag-bigay siya ng good vibes sa akin. Ganun 'yung character ni Yaya Melody.”

Ayon daw kay Direk LA Madridejos, direktor ng First Yaya, nakikita niyang magiging natural ang pagbibigay-buhay ni Sanya sa kanyang character.

Kuwento ni Sanya, “I'm excited, I'm excited talaga. Kasi parang sinabi ni Direk LA na 'Naku, hindi ka masyadong mahihirapan kasi nga parang ikaw, Sanya lang na dinagdagan ko lang ng ibang characteristics ni Yaya Melody.' Siguro may mga mannerism siyang gagawin.”

Natutuwa rin daw si Sanya dahil maliban sa unang title role niya ito ay unang beses din siyang bibida sa isang rom-com. Para sa kanya, ang First Yaya ang makakapaghatid ng saya sa mga manonood ngayong nababalot ng lungkot at pangamba ang karamihan dahil sa COVID-19 crisis.

Wika niya, “First time ko 'to eh.

"First time ko magkaroon ng rom-com sa teleserye kasi usually nga 'di ba parang ang nangyayari sa akin puro iyak, puro heavy drama talaga as in.

"Nae-excite ako kasi parang ito 'yung pakiramdam na sa panahon ngayon na ganito 'yung nararamdaman nating lahat, gusto mong sumaya eh. Kumbaga pati ako nae-excite ako na, 'Ay, finally bibigyan ako ng isang masayang teleserye na talagang maipapakita natin sa mga manonood.'”

Panoorin ang exclusive interview ni Sanya sa video sa itaas. Maaari n'yo ring mapanood ang video na ito DITO.