TV

'Moon Embracing The Sun,' muling mapapanood sa GTV

By Aimee Anoc

Sabay-sabay nating balikan ang dati nang minahal ng sambayanan!

Simula January 10, muling mapapanood ang tambalang Kim Soo-hyun (Lee Hwon) at Han Ga-in (Heo Yeon-woo/Wol) sa historical drama na Moon Embracing The Sun.

Magbabalik din sina Yeo Jin-goo (Prinsipe Lee Won), Kim Yoo-jung (batang Yeon-woo), Jung Il-woo (Prinsipe Yangmyung), Kim Min-seo (Yoon Bo-kyung), Kim So-hyun (batang Yoon Bo-kyung) at Lee Tae-ri (batang Prinsipe Yangmyung).

Labing-tatlong taon lamang noon si Heo Yeon-woo, anak ng mataas na opisyal, nang samahan niya ang kanyang ina sa palasyo para dumalo sa seremonya ng mga nakapasa bilang iskolar ng kaharian kung saan isa rito ang kanyang kuya.

Sa hindi inaasahang pagkakataon, nakita siya ni Prinsipe Lee Won habang naglalakad sa palasyo. Sa madalas na pagkikita, tuluyang nahulog ang loob nina Yeon-woo at Prinsipe Lee Won sa isa't isa.

Pero bago maikasal sina Prinsipe Lee Won at Yeon-woo, gumawa ng paraan ang Dakilang Inang Reyna para hindi matuloy ang kasal ng itinakdang hari. Sikreto niyang ipinapatay si Yeon-woo para palitan ni Yoon Bo-kyung, anak na babae mula sa kanilang angkan.

Inutasan ng inang reyna si Lady Jang, isang babaylan, na magsagawa ng mahika para magkaroon ng malalang sakit si Yeon-woo.

Isa lamang ang nakikitang paraan ng pamilya ni Yeon-woo para gumaling sa sakit at makawala sa sumpa, ito ay ang kamatayan.

Nang mamatay si Yeon-woo at muling nabuhay, nawala ang lahat ng alaala nito. Dahil sa nangyari, naniwala naman ang lahat na patay na si Yeon-woo at isa na rito si Prinsipe Lee Won.

Makalipas ang walong taon, bumalik si Yeon-woo bilang isang babaylan sa pangalang Wol na ang ibig sabihin ay buwan.

Nang makita ni Haring Lee Won si Wol, muli niyang pinaimbestigahan ang pagkamatay ni Yeon-woo. Sa pagsasagawa nito, haharapin niya rin ang makapangyarihang angkan ng Dakilang Inang Reyna.

Mabibigyan kaya ng pangalawang pagkakataon ang pag-ibig nina Lee Won at Yeon-woo?

Abangan ang pagbabalik ng Moon Embracing The Sun sa January 10, Lunes hanggang Biyernes, 2:00 p.m sa GTV.

Samantala, mas kilalanin pa si Kim Soo-hyun sa gallery na ito: