
Simula March 13, mapapanood na ang unang tambalan nina Kapuso actress Ashley Ortega at multitalented actor Xian Lim sa kauna-unahang figure skating drama series ng bansa, ang Hearts On Ice.
Sa Hearts On Ice, gaganap si Ashley bilang Ponggay. Kahit na may kapansanan, susubukin niyang abutin ang naudlot na pangarap ng ina na maging isang matagumpay na figure skater.
Makikilala naman si Xian bilang Enzo, cold-hearted at may pagkaarogante. Siya ay mula sa mayamang pamilya na matututong magsakripisyo at magtiwalang muli dahil kay Ponggay.
Sa naganap na media conference ng Hearts On Ice noong March 3, ikinuwento nina Ashley at Xian kung kumusta nga ba makatrabaho ang isa't isa.
Ayon sa aktor, naging "supportive at patient" sa kanya ang leading lady na si Ashley lalo na at kinakailangan niyang magsimula at matuto sa pinaka-basic ng figure skating.
"I think na-break 'yung ice nu'ng nakikita niya akong... nu'ng mga first couple of sessions sa skating rink. 'Yun 'yung mga times na parang nahuhulog-hulog. Nagtatawanan lang talaga kami and I think that really helped para mawala 'yung hiya namin sa isa't isa," kuwento ni Xian.
Dagdag niya, "Si Ashley napakabait. Mabait po siya. She's very supportive and very patient at the same time. Kasi mayroon kami ritong mga ginagawang choreography and, of course, medyo gahol din kami sa oras dahil ngayon ko lang din ito inaral, may chance na mahulog kami o madulas kami. The coaches, si Direk [Dominic Zapata], they're guiding us. Si Ashley she's very patient na, 'Okay, huwag kang ma-pressure. Just take your time.'”
Napuno rin ng papuri si Ashley sa leading man nito, na aniya, talaga namang mabait at masayang katrabaho.
"Actually nu'ng malaman ko na si Xian Lim 'yung partner ko medyo nag-fangirl ako hindi ko lang pinahalata kasi hindi pa ako artista noon napapanood ko na s'ya," kuwento ng aktres.
"Tapos nalaman ko s'ya 'yung leading man ko, kinilig din ako. And then I got to meet him in person. He's very approachable, tapos ang gwapo n'ya. Ang gwapo, gwapo ni Xian kapag kaeksena ko s'ya, very charming and he's super friendly,” dagdag pa niya.
"Actually, we created a bond. Iba kasi 'yung environment nang nasa set tapos it's a different environment also kapag nagte-training kami sa skating kasi it doesn't feel like work. We became really friends off-cam. Talagang ang saya niya katrabaho and I really hope na makatrabaho ko ulit siya."
Isa pa sa hinahangaan ni Ashley kay Xian ay ang dedikasyon na ibinibigay nito na matutong mag-ice skate para sa role na gagampanan sa Hearts On Ice.
"I really admire Xian for being so sipag sa skating. Mas masipag pa nga 'yan mag-training kaysa sa akin, sa totoo lang. There was one time na parang araw-araw siyang nag-skate. Hindi pa bukas 'yung skating rink nandu'n na s'ya, nag-stretching na s'ya. Tapos nagugulat na lang ako sa stories niya na parang nandyan na naman s'ya, ako nga nagpapahinga tapos s'ya araw-araw s'yang nagte-training,” aniya.
"He's such a fast learner lalo na adult skater na siya tapos nakaka-balance s'ya and abangan niyo na lang 'yung mga eksena namin na may mga liftings na kaming nagagawa. Imagine in a short period of time, nagagawa na namin 'yung mga lifting sa loob ng skating rink," sabi ni Ashley.
Makakasama nina Ashley at Xian sa Hearts On Ice ang beterano at kilalang mga aktor na sina Amy Austria, Tonton Gutierrez, Rita Avila, Lito Pimentel, Ina Feleo, at Cheska Iñigo. Ipinakikilala rin si Roxie Smith kasama sina Kim Perez at Skye Chua.
Abangan ang world premiere ng Philippines' first-ever figure skating drama series na Hearts On Ice ngayong March 13, 8:50 p.m. sa GMA Telebabad.
TINGNAN ANG NAGANAP NA MEDIA CONFERENCE NG HEARTS ON ICE SA GALLERY NA ITO: