TV

Tom Rodriguez sa pagpapanatili ng 'spark' sa relasyon: 'Huwag tayo magiging kampante'

By Dianara Alegre

Ayon kay “High Rise Lovers” star Tom Rodriguez, laging gustuhing kilalanin ang katuwang mo sa buhay kung gusto mong mapanatili ang “spark” sa relasyon n'yo.

Aniya, mas mainam kung nanaisin mong mas kilalanin pa ang iyong minamahal.

“Siguro huwag tayo magiging kampante o masyadong pamilyar sa mga katuwang natin sa buhay.

“Lagi nating tandaan kung bakit ba natin sila minahal. Mas lalo pa natin silang kilalanin at mas lalo pa natin silang pahalagahan,” aniya.

Bukod dito, mahalaga rin aniya ang komunikasyon na isa sa mga pundasyon ng magandang samahan.

“Siguro kailangan talaga ang komunikasyon at 'yung mga panibagong paraan para makilala pa lalo ang isa't isa at mapanatili ang spark o apoy na 'yon,” aniya pa.

Ang pahayag na ito ay kaugnay ng magiging takbo ng istorya ng pinakabago niyang show, ang I Can See You: High Rise Lovers na pinagbibidahan din nina Lovi Poe at Winwyn Marquez.

Ang serye ay tungkol sa nagkalamat na samahan ng married couple na sina Luis (Tom) at Samantha (Lovi). Magkaiba sila ng goals sa buhay at may mga bagay na hindi rin napagkakasunduan.

Ngunit mas nasubok ang kanilang pagmamahalan sa pagdating ng babaeng aagaw ng atensyon ni Luis kay Samantha, si Ysabel.

Siya ang nagpanumbalik ng sigla ni Luis na aniya'y nanamlay dahil sa pagkukulang sa kanya ng kanyang asawa.

Mula sa direksyon ni Monti Parungao, tampok din sa serye sina Divine Tetay at Teresa Loyzaga.

Mapapanood na ang I Can See You: High Rise Lovers ngayong gabi, October 12.