TV

Ang bagong mukha ni Esperanza


Hindi nakaligtas si Leandro sa kanyang tinamong mga sugat mula sa sunog. Naiwan na namang mag-isa si Esperanza.

Sa kanyang pangungulila, nagpakita muli si Alejandra sa isang panaganip. Dala niya ang katuparan sa inaasam na pangarap ni Esperanza- ang gumanda. Itinuro nito kung saan matatagpuan ang mahiwagang kwintas, at natagpuan nga ito ni Esperanza.

Sa pagmulat ng mata ni Esperanza, ibang tao ang kanyang nasilayan. Kay ganda ng babaeng nakatingin sa kanya. Nanaginip nga lang ba siya?

Tinawag ni Esperanza si Manang Belen. Miski si Manang Belen ay hindi makapaniwala sa kanyang nadatnan. Si Esperanza nga ba ang babaeng nakatitig sa kanya?

Lubos ang kaligayahang hatid ng mahiwagang kwintas kay Esperanza. Tinupad nito ang matagal niyang hinihiling, ang gumanda.

Walang kapares ang hatid na kagandahan ng kwintas. Bawat taong nakakasalubong ni Esperanza ay nahuhumaling sa kanya. Napagkamalan pa nga siyang anghel ng mga ito.

Sa wakas, may mukha nang ihaharap si Esperanza kay Edwin. Dali-daling pinuntahan ni Esperanza si Edwin sa shoe factory. Magpapakilala siya. Matagal na rin siyang hinahanap ni Edwin. Magkikita na nga ba silang muli?

Isang hindi inaasahang tagpo ang naabutan ni Esperanza. May kayakap na babae si Edwin at mukhang may namamagitan sa kanila ng babaeng kayakap niya. Ipinagtanong ni Esperanza kung sino ito.

Siya pala ang girlfriend ni Edwin. Hindi makapaniwala si Esperanza. Gumuho ang kanyang mundo. May pag-asa pa bang maging sila ni Edwin ngayong mukhang may iba na ito?

Huwag palampasin ang taglay na kagandahan ng Innamorata pagkatapos ng Villa Quintana tuwing hapon sa GMA. Para sa updates sa paborito niyong artista at shows sa GMA, mag-log on lagi sa www.gmanetwork.com. -- Text by Eunicia Mediodia, Photo by Bochic Estrada, GMANetwork.com.