TV

Ang hiwaga ng kwintas ni Alejandra



Napunan ang pangungulila ni Esperanza nang magkita sila ng kanyang ama. Ngunit may kulang pa rin sa puso ni Esperanza, ang kanyang pangarap na gumanda at mahanap ang ina.

Mukhang matutupad na ang pangarap ni Esperanza gumanda nang magpakita si Alejandra, ang lola ng kanyang ama,  sa isang panaginip. Nangako si Alejandra na papagandahin si Esperanza kapag nahanap niya ang nawawalang kwintas nito.

Tinulungan ni Manang Belen si Esperanza na mahanap ang kwintas ni Alejandra. Sinabi nitong nasa pangangalaga ng kanyang amang si Leandro ang kwintas.

Dali-daling pinuntahan ni Esperanza ang kanyang ama upang kunin ang kwintas. Itinanggi ni Leandro na nasa kanya ang kwintas. Walang nagawa si Esperanza kundi magmukmok. Nawalan din siya ng pag-asang matupad ang kanyang hiling na gumanda.

Ang totoo ay nasa kamay ni Leandro ang kwintas. Para pangalagaan si Esperanza, nagsinungaling ito at hindi ipinaalam ang kinalalagyan ng kwintas. Itinapon ito ni Leandro sa isang malayong lugar upang hindi na muli matagpuan ninuman.

Hindi rin kaila kay Leandro na may kinalaman ang kanyang lolang si Alejandra sa ikinikilos ni Esperanza kaya naman pipigilan niya si Alejandra sa mga binabalak nito.

Sinunog ni Leandro ang painting ni Alejandra. Imbes na ang painting ang masunog ay si Leandro ang nasunog. Nalagay sa kapahamakan si Leandro. Naiyak si Esperanza nang matagpuan ang kalunos lunos na lagay ng kanyang ama.

Maligtas pa kaya ni Esperanza si Leandro? Ano ang hiwagang bumabalot sa kwintas ni Alejandra? May kinalaman kaya ito sa nangyari kay Leandro? Ang kwintas nga ba ni Alejandra ang susi para gumanda si Esperanza?

Huwag palampasin ang kapana-panabik na kaganapan sa Innamorata pagkatapos ng Villa Quintana, only on GMA Afternoon Prime. Para sa updates, bumisita lagi sa www.gmanetwork.com. -- Text by Eunicia Mediodia, Photo by Elisa Aquino, GMANetwork.com.