
Maraming naantig ang puso sa emotional moments ngayong Huwebes (August 8) sa noontime program na It's Showtime.
Isa sa mga hindi malilimutan ng madlang Kapuso ang nakakaiyak na pangyayari sa singing competition segment na "Tawag ng Tanghalan: The School Showdown"
Isa kasi sa mga contestants, na si Macoy ng University of Perpetual Help System Isabela Campus, na-uwi sa pag gong ng mga hurado sa gitna ng kanyang performance.
Dahil kasi sa nerbyos ng lalaki, hindi niya naayos ang kanyang pagkanta at umabot ng tatlong beses ang kanyang pagkamali.
Ayon kay Macoy, ito raw kasi ang kauna-unahan niyang TV singing competition, kaya hindi niya napigilang maging emosyonal at ma-pressure sa backstage pa lamang.
"Alam namin ikalulungkot mo ito pero 'wag mong ikasisira [ito] ng iyong kompyansa sa iyong sarili. Huwag kang pahihinaan ng loob. Ganda ng boses mo," sabi ni Vice Ganda.
Para ma-comfort ang contestant, binanggit rin ng Unkabogable Star na pati ang mga magagaling na icons katulad nina Michael Jordan, Alyssa Valdez, Regine Velasquez, at Pia Wurtzbach ay nakaranas ng mga talo para gumaling sa kanilang propesyon.
"Tama lang 'yan. Nalulungkot ka, naiiyak ka, it's okay. 'Yang emosyon na iyan ay tama. Pero bukas, makalawa, 'di ba, mas masigla ka, mas malakas ka, mas magaling ka. (At) isa sa mga makakatulong sa kagalingan mo, eh 'yung mga ganitong sakit na nararamdaman natin, 'yung pagkabigo," sinabi ni Vice.
Nilapitan din ng ibang mga host si Macoy para pasiglahin ulit ito.
"Puwede mong hugutan ito. Itong nangyari sa iyo na ito, 'pag susunod sa mga awitin mo," sabi ni Vhong.
Dagdag din ni Kim Chiu, "Nandito lang ang [It's] Showtime. Sali ka ulit. 'Di kami hihinto para sa mga taong nangangarap katulad mo."
Hirit din ni Vice na ang pagsali rin ni Macoy sa kompetisyon ay isang panalo na rin sa buhay dahil pinili niyang harapin ang pagsubok.
Subaybayan ang It's Showtime, Lunes hanggang Sabado,12 noon, sa GMA, GTV, at iba pang Kapuso platforms.
Samantala, balikan ang mga naganap sa "Tawag ng Tanghalan Kids" Season 2 grand finale sa gallery na ito.