
"Ah! Si Empoy pala ito. Papa-follow-up ko sana 'yung delivery natin."
Iyan kaagad ang biniro ni Vice Ganda nang makita niya ang kanyang kaibigan at kapwa komedyante na si Empoy Marquez.
Nitong Martes (January 7), bumisita si Empoy sa studio kasama ang iba pang cast ng upcoming GMA series na My Ilonggo Girl.
Tila na-miss ng It's Showtime hosts ang actor-comedian, kaya't hindi mapigilang magbiro at makipagkulitan sa kanilang guest.
"Ang daming show, ang daming artista, bakit sinama n'yo pa ito?" pang-aasar ni Vice kay Empoy.
"Ito handler nila eh," hirit ni Vhong Navarro.
"Road manager nila ako dito kaya ganoon," sagot naman ni Empoy.
Nang tanungin ni Vice sina Jillian Ward at Michael Sager kung totoo nga bang kasama nila si Empoy sa serye, sumakay rin sa biruan ang Star of the New Gen.
"Hinatid lang po kami dito. Kaya po siya naka-tie dye," biro ni Jillian.
"Ang ganda ng hitsura ng mga batang ito (cast ng My Ilonggo Girl) parang papuntang Baccalaureate mass. Samantalang, ikaw (Empoy) hindi ka binigyan ng clearance," ani Vice.
Mas natawa ang lahat nang ginamit ni Empoy ang pelikula ni Vice ngayong MMFF. Dahil dito biglang binawi ni Vice ang kanyang mga asar at masayang nakipagkulitan kay Empoy.
"Hoy! Nanood ako ng And the Breadwinner Is," saad ni Empoy.
"Alam mo kaya ikaw ang pinakapaborito kong komedyante. Pagkatapos ng Charlie Chaplin, Empoy talaga ang kasunod," masayang sinabi ni Vice na umani ng tawanan sa studio.
Maliban sa kanilang kulitan, very supportive din si Empoy sa laro nina Jillian Ward at Michael Sager sa programa. Masayang nanood at nagbigay ng kanyang opinyon kung sino ang totoong breadwinner.
"Ito talaga alam niya ang galawan ng food servers kasi siya 'yung naiiwan sa mga venue," biro ni Vice.
"Kanina gusto ko mag-order din kanina. Wala naman akong nakitang caviar," hirit ni Empoy na umani ng reaksyon tulad ng "Wow, Caviar! Ang sosyal."
Ang kulitan nina Empoy at It's Showtime hosts ay pinag-usapan sa social media. Marami ang naaliw sa bardagulan ng mga komedyante at nais sana bumisita ulit si Empoy sa programa.
Subaybayan ang It's Showtime tuwing Lunes hanggang Sabado, 12 noon, sa GMA at Kapuso Stream.
Mapapanood din ang bagong GMA Prime series na My Ilonggo Girl ngayong January 13, 9:35 p.m.
Balikan ang iba pang Kapuso celebrities na bumisita sa It's Showtime, dito: