TV

Princess Punzalan, ibinahagi ang buhay artista sa Amerika

By Maine Aquino

Kasalukuyang naninirahan na ngayon sa Amerika ang kilalang kontrabida na si Princess Punzalan.

Si Princess ay ikinasal noong 2005 sa kaniyang Amerikano na asawa na si Jay Field. Simula noon ay nanirahan na si Princess sa Amerika at doon na bumuo ng kanilang pamilya.

Sa Just In, inamin ni Princess na mahirap para sa kaniya na magsimula ng buhay sa Amerika. Saad niya, ito ay dahil ang lahat ng nakasanayan niyang gawin at mga mahal sa buhay ay nasa Pilipinas.

“Mahirap, kasi lahat ng nakasanayan ko, lahat ng mga mahal ko sa buhay iniwan ko. It wasn't so bad because siyempre 'pag mahal mo ang isang tao kahit ano ibibigay mo. Hindi rin naman sayang ang mga paghihirap and sacrifices kasi mabait din naman itong napangasawa ko. Sulit naman.”

Ipinaliwanag rin ni Princess sa host ng Just In na si Paolo Contis na umuuwi pa rin siya ng bansa para ipagpatuloy ang kaniyang pag-arte.

“Noong nag-asawa ako, nag-decide ako na gusto ko na 'yung private life o 'yung normal life dito sa Amerika, at 'yung showbiz life sa Pilipinas.

“So I've decided na kung kailangan kong magamit ang aking mga creativity, uuwi lang ako ng Pilipinas para mag-guesting, hindi naman ako nahihirapan humanap ng guesting. In fact even if nandito ako sa Amerika, tinatawagan ako ng productions kung kailan po ba kayo uuwi kasi mayroong available na role para sa inyo. Ako nga 'yung nahihiya kasi hindi ako makabalik kasi marami na akong responsibilidad dito at hindi ako puwedeng mawala nang matagal. Paminsan minsan umuuwi ako, nagte-taping ganyan.”

2018 nang napabilang si Princess sa pelikulang Yellow Rose na isang American-Filipino musical drama.

Photo source: @realprincesspunzalan

“Noong 2018 nagkaroon ako ng opportunity para makasali dito sa pelikulang Yellow Rose and then habang nag-shooting kami sabi ng direktor, why aren't you working here in America as an actor? You should be working more sabi sa aking ganon.”

Napagdesisyunan ni Princess na puwede niya ring subukan ang pag-arte sa Amerika.

“I guess puwede na since sa California na kami nakatira. Hindi na mahirap because noong bago pa lang akong tumitira sa America, nasa Michigan kami.”

Noong una ay hindi niya ito magawa dahil gusto niya tutukan ang kaniyang marriage.

“Nag-uumpisa pa lang 'yung marriage namin. Kumbaga we were still working on the foundation of our marriage. Tinatanong ako nung asawa ko noong bagong kasal kami, bakit hindi ka mag-artista dito sa America. Sabi ko kung ipu-pursue ko ang pag-a-artista, I will either live in Los Angeles or in New York. Or at least matagal akong mawawala, pupunta ako sa either New York or Los Angeles para mag-artista. Hindi naman magandang pundasyon 'yun ng marriage kung bagong kasal iiwanan mo asawa mo.”

Itinulad naman ni Princess na ang pag-aartista doon sa Amerika ay parang pagsali sa beauty pageant tulad ng Miss Universe.

“Ang labanan ng pag-aartista dito parang Miss Universe. Talagang libo-libong artista ang naglalaban for that one role so pagalingan talaga.”

Inamin niya rin na kinailangan niya na mag-acting school sa Amerika para mahasa pa ang kaniyang talento sa pag-arte.

“I never went to school for acting, pero dito kinailangan kong mag-aral. I'm coaching with someone; his name is Billy Hufsey.”

Ayon sa aktres, marami siyang natutunan sa kaniyang pag-e-enroll sa isang acting school.

“Marami siyang kinorrect sa bad habits ko bilang artista, tinuruan niya ako ng style kung paano gamitin yung camera.”

Panoorin iba pang mga kuwento ni Princess Punzalan sa kaniyang buhay sa Amerika sa Just In.

Kilalanin naman ang iba pang mga artista na naninirahan na ngayon sa ibang bansa.