TV

Paul Salas, excited sa bagong niyang show na 'Kara Mia'

By Aaron Brennt Eusebio

Inamin ni Kapuso teen actor Paul Salas na nasorpresa siya nang malaman niyang magiging parte siya ng Kara Mia, ang bagong teleserye na pagbibidahan nina Barbie Forteza at Mika Dela Cruz.


Sa pictorial ng Kara Mia noong December 3 sa GMA Network compound, sinabi ni Paul na natuwa siya dahil nabigyan siya ng chance na bumida sa teleserye.

“[Noong una kong nalaman], na-surprise ako kasi alam na pala nung mga co-stars ko,” saad ni Paul.

“Na-surprise at natuwa kasi finally nabigyan ulit ako ng chance na magkateleserye.”

Ibinahagi rin niya na excited ngunit kinakabahan siyang makatrabaho ang kaniyang tiyuhin na si Arthur Solinap.

“First time kong makakatrabaho si Tito Art, parang hindi ko kakayanin 'yung magkaka-lines kami ng sabay e pero masaya,” kuwento ni Paul.

“Excited kasi ito na 'yung gusto ko kaya nga ako lumipat kasi gusto ko makasama ko 'yung family ko sa work,” dagdag niya.

Makakasama rin ni Paul sa Kara Mia ang mga beteranong aktor na sina Carmina Villarroel, John Estrada, Glydel Mercado, Alicia Alonzo, at Gina Pareño.

Abangan ang Kara Mia sa 2019 sa GMA Telebabad.