TV

Direk Dominic Zapata, aminadong nahihirapan sa mga eksena ng 'Kara Mia'

By Aaron Brennt Eusebio

Aminadong hirap si Kara Mia director Dominic Zapata sa mga eksena ng upcoming GMA Telebabad soap dahil hindi raw naituro sa school kung paano i-shoot ang isang tao na may dalawang mukha.

Direk Dominic Zapata

Sa ginanap na media conference ng Kara Mia kahapon, February 12, sa Circle Events Place, Timog, Quezon City, inamin niyang challenging sa kanya ang bagong serye at nalilibang siya tuwing nagshu-shoot.

"I look at the script with a fresh eye. I figured out for myself na, 'Wow hindi sa amin itinuro sa eskwela ito kung paano mag-shoot ng tao na dalawa yung mukha,'" pahayag ni Direk Dom.

"Naging palaisipan even. Parang masaya nga kasi parang maiba naman nang konti.

"Nakakalibang i-shoot, masaya rin kasi palagi kang alisto, dapat hindi ka aantok-antok."

Ilan sa mga tumatak na serye na nasa ilalim ng pamumuno ni Direk Dominic ay Darna, Captain Barbel, Mulawin, My Husband's Love at Victor Magtanggol.

Gagampanan nina Barbie Forteza at Mika Dela Cruz sina Kara at Mia, ang kambal na naghahati sa iisang katawan.

Makakasama rin nila rito sina Jak Roberto, Paul Salas, Carmina Villarroel, John Estrada at Glydel Mercado.

Mapapanood na ang world premiere ng Kara Mia simula Lunes, February 18, sa GMA Telebabad pagkatapos ng 24 Oras.