TV

Dennis Trillo, nakaramdam ng 'intimidation' at 'satisfaction' habang katrabaho si Alice Dixson

By Marah Ruiz

Nag-effort daw na magpa-gwapo si Kapuso Drama King Dennis Trillo para sa role niya sa upcoming family drama na Legal Wives.

Lubos daw niya itong pinaghandaan dahil hindi lang isa, kundi tatlo ang kanyang leading ladies sa serye.

Ito ay sina Alice Dixson, Andrea Torres at Bianca Umali.

"Iba't ibang henerasyon ng kagandahan. Medyo mahirap dahil kapag ganyan 'yung mga leading ladies mo, ganyan kagaganda, kailangan mong kahit paano pumantay sa kanila at mag-effort," pahayag ni Dennis sa isang virtual interview.

Sinikap daw ni Dennis na bumagay ang hitsura niya sa tatlo.

"Kasama doon sa preparation ko 'yung magpa-gwapo para hindi naman nakakahiya doon sa mga ka-eksena ko. Effort 'yun para sa akin kasi ako 'yung tao na hindi masyadong nage-effort sa sarili. Kung ano 'yung nakikita niyo, 'yun lang ako. Isa 'yun sa mga challenges na physically pagandahin 'yung itsura para mapaganda 'yung show, bumagay sa kanilang lahat," paliwanag ng aktor.

Aminado naman si Dennis na nakaramdan ng kaunting "intimidation" dahil unang beses makaktrabaho si Alice na pinakamatagal na sa industriya sa kanilang apat.

"Nakaka intimidate sa umpisa dahil siyempre napapnood ko siya noon. Hinahangaan ko na siya noon pa, noong lumabas pa lang yung first commercial niya tapos nag-'Okay Ka Fairy Ko' tapos sa lahat pa noong ibang ginawa niya. Humanga rin ako sa kagandahan niya. Hindi ko inakala na makakatrabaho ko siya at magiging leading lady at magiging asawa ko pa sa isang serye," lahad ni Dennis.

Matapos nilang magtrabaho, napalitan daw ng pakiramdan ng "satifaction" ang pagka-intimidate ni Dennis kay Alice.

"Isa 'tong experience na hindi ko makakalimutan working with her. Masayang masaya ako. After noong impression na 'yun, after noong [intimidation], satifaction naman 'yung naramdaman ko dahil nangyari na 'yung mga bagay na 'yun at maganda 'yung kinalabasan," aniya.

Ang Legal Wives ay kuwento ng isang kakaibang pamilya kung saan pakakasalan ng isang lalaki ang tatlong magkakaibang babae dahil sa iba't ibang mabibigat na dahilan.

Huwag palampasin ang world premiere ng Legal Wives sa July 26, pagkatapos ng The World Between Us sa GMA Telebabad.

May simulcast din ito sa digital channel na Heart of Asia. Para naman sa mga Kapuso abroad, mapapanood din ito via GMA Pinoy TV.