TV

Ruru Madrid, gustong magbigay ng pag-asa at inspirasyon sa pamamagitan ng 'Lolong'

By Marah Ruiz

Ipinagdiriwang ni Kapuso Action-Drama Prince Ruru Madrid ang ikasampung anibersaryo niya sa showbiz ngayong taong 2022.

Kaya naman masaya siya na isang malaking proyekto ang ibabahagi niya sa mga manonood pagkatapos ng isang dekada niya sa industriya.

Bibida kasi si Ruru sa dambuhalang adventure-serye sa primetime na Lolong.

Source: rurumadrid8 (IG)

Bukod sa nakakaintrigang kuwento at exciting na mga action scenes, magbibigay rin daw ito ng pag-asa at inspirasyon sa mga manonood.

"Sa aking ikasampung taon ko sa industriya nabigyan ako ng oportunidad na gawin ang isang malaking proyekto ang 'LOLONG' na maaring makapagbigay ng pag-asa at inspirasyon sa bawat manonood. Pero hindi naging madali ang paggawa namin dito, maraming beses na gusto ko na lamang sumuko dahil sa tagal ng pag-iintay namin dito at sa dami ng problema na kinakaharap namin sa programa na ito, pero dahil sa tiwala at pagmamahal ng bawat isa sa akin at sa show na ito kahit kailan di ako bumitaw," sulat ni Ruru sa kanyang Instagram account kasama ang ilang litrato niya mula sa set ng Lolong.

Mas pinatatag daw siya ngayong ng lahat ng pagsubok na naranasan niya sa pagbuo ng serye.

"Inisip ko lang na sa dami ng pagsubok na pinagdaan ko sa loob ng sampung taon ngayon pa ba ako susuko? Kaya kinaya naming lahat iyon. Natutunan ko sa pag gawa ng programa na ito na ang mga bagay ay hindi mo dapat minamadali dahil lahat ng mga bagay na nangyayari sa atin ay may DAHILAN at may TAMANG PANAHON," bahagi ni Ruru.

Sa kabila ng lahat ng ito, itinuturing daw niyang malaking regalo ang Lolong.

"Kaya salamat sa lahat ng bumubuo ng Lolong sa lahat ng crew, staff, bosses, writers cast at sa aming mga director Aurel Ayson, Rado Peru especially Direk Rommel Pinesa na syang nagbigay ng mata sa show na ito dahil wala ni isa sa inyo ang sumuko at bumitaw sa programa na ito at Itong programa na ito ang pinaka malaking regalo na natanggap ko sa aking 10th anniversary sa industriya kasabay ng RunningMan Ph," aniya.

Bukod dito, pinasalamatan din niya lahat ng tumulong sa kanya para makaabot ng isang dekada sa showbiz.

"Maraming Salamat sa inyong lahat na hindi bumitaw sa akin. Sa pamilya ko, sa mga kaibigan ko, sa lahat ng mga naka trabaho ko at sa lahat ng mga taong nagmamahal at sumusuporta sa akin. Mahal ko kayong lahat, at para sa inyong lahat ang tagumpay na ito. Happy 10th anniversary," sulat niya.

Inimbitahan din niya ang kanyang followers na panoorin ang bagong serye niyang Lolong.
"Mamayang gabi na po Lolong! Aahon na ang bagong bayani sa Philippine Primetime," pagtatapos ng caption ng kanyang post.

Gaganap si Ruru sa serye bilang ang bidang si Lolong, isang binata na may kakaibang mga kakayanan--kabilang na ang mabilis na mapagaling ang kanyang sarili at ang makipag-usap sa dambuhalang buwayang si Dakila.

Gagamitin niya ang mga kakayanang ito para protektahan at tulungan ang mga kababayan niyang naaapi.

Huwag palampasin ang world premiere ng Lolong ngayong gabi, July 4, 8:00 p.m. sa GMA Telebabad!

Samantala, silipin ang ilang nakakamanghang trivia tungkol sa serye rito: