
Nakasaklay si primetime action hero Ruru Madrid pagdating niya sa set ng action drama series na Lolong: Pangil ng Maynila.
Nagbalik siya sa taping ilang araw lang matapos ma-injure ang kanyang hamstring habang ginagawa ang isang eksena para sa serye.
"Alam naman natin kung gaano po ako ka-passionate dito sa craft ko at pagmamahal ko din dito siyempre sa Lolong. 'Yung mga ganitong klaseng pagsubok for me, ito 'yung nagsisilbing gasolina sa akin to work harder. It's a matter of kung papaano ka magba-bounce back foon sa nangyari sa 'yo," lahad ni Ruru.
Imbes na maging setback, nagsisilbing motivation ni Ruru ang kanyang injury, lalo na at patuloy na nakakatanggap ng magandang feedback ang kanilang serye.
"Nakakatuwa kasi ang ganda ng istorya, ang ganda ng feedback ng mga tao sa panibagong yugto natin na Pangil ng Maynila. Sobrang na-e-excite ako kaya nanghihinayang ako doon sa momentum. Sabi ko, kahit na apat na araw pa lang akong nagpapahinga, kinakailangan ko na ulit mag-taping," paliwanag niya.
Kahit limitado pa ang kilos ni Ruru dahil kailangan pang ipahingi ang kanyang hita, hindi naman daw mababawasan ang mga magagandang action scenes sa serye.
"Marami po na doon po sa original cast ng Lolong na mapupunta na rin sa Maynila. Abangan po natin 'yan kung sinu-sino po 'yan. Talagang magiging maaksiyon po itong mga susunod na mga episodes na mapapanood niyo," pangako niya.
Dagdagp pa ni Ruru na hindi daw dapat mag-alala para sa kanyang kalusugan dahil magkakaroon naman siya ng mahabang pahinga kasama ang girlfriend at kapwa Kapuso star na si Bianca Umali sa parating na Holy Week.
"Self-healing naman kasi ang hamstring natin, kumbaga kailangan lang po talaga natin siyang ipahinga. Nagpaplano kami ni Bianca na mag-El Nido ng Holy Week to reset, makapag-focus ulit, makapagpahinga--'yung talagang pahinga na wala kang ibang iisipin, wala kang ibang gagawin kundi mag-enjoy lang," bahagi ng aktor.
Sa pagpapatuloy ng kuwento ng Lolong: Pangil ng Maynila, sanay na sa buhay sa siyudad si Lolong (Ruru Madrid).
Nagtatrabaho siya sa fish port sa umaga at isa namang armadong tauhan ng isang big time boss sa gabi.
Unti-unti niyang inuubos ang mga tauhan ni Julio (John Arcilla) bilang paghahanda sa kanyang paghihiganti.
Patuloy na panoorin si Ruru Madrid sa Lolong: Pangil ng Maynila, Lunes hanggang Biyernes, 8:00 p.m. sa GMA Prime.
May delayed telecast din ito sa GTV, 9:40 p.m. at maaaring panoorin online sa Kapuso Stream.