
Aminadong na-challenge ang seasoned direktor na si Jerry Lopez Sineneng sa pagdi-direk ng GMA Prime series na Love. Die. Repeat.
Nilagyan ito ng konting fantasy dahil sa konsepto ng time loop kaya paulit-ulit na kinunan ang ilang eksena gaya ng car accident ni Bernard, ang karakter na ginagampanan ni Xian Lim.
"Mahirap siya, well as we all know by now, ang main story ng Love. Die. Repeat. is umuulit at hindi s'ya time loop na paulit-ulit lang eksakto, may nababago kada loop," ani Direk Jerry sa isang online exclusive video ng Love. Die. Repeat.
Unang naging direktor ng Love. Die. Repeat. si Irene Villamor. Pumasok si Direk Jerry sa produksyon noong second cycle ng taping nito noong 2023.
May mga ilan nang nakunang mga eksena mula sa unang cycle ng taping ng serye noong 2021 kaya kailangang binantayan ang continuity ng bawat eksena.
Kuwento ni Direk Jerry, "Alam mo naman ang realidad natin sa pelikula at telebisyon, 'di naman natin sinusunod chronologically. Like in the case of Love. Die. Repeat., minsan nauna namin nakunan yung fifth loop kaysa do'n sa first, kaysa sa second so jump -jump.
"Ang challenge lang is pagbabantay sa development ng characters, 'yung pagtuhog ny'a, 'yung pag-progress n'ya kasi nga nauuna 'yung five, nauuna 'yung three and then four, nauuna 'yung six. Good for me, good for us, magagaling 'yung mga artista."
Lahat daw ng cast members ng Love. Die. Repeat. ay mahuhusay at wala siyang gustong alisin o palitan dito. Mapapanood din serye sina Mike Tan, Valeen Montenegro, Ina Feleo, Valerie Concepcion, Nonie Buencamino, Samantha Lopez, Malou De Guzman, Shyr Valdez, Ervic Vijandre, at Victor Anastacio.
Pinuri pa niya ang bida ng serye na si Jennylyn Mercado na niya'y "nakakawala ng pagod" kahit na pinakamahirap ang role ng aktres.
Ika niya, "Aminini natin, pinakamahirap ang role n'ya sa lahat pero si Jennylyn, 'pag nakikita ko s'ya, gumagaan ang loob ko kasi maaliwalas 'yung mukha, walang kabakas-bakas ng reklamo, walang kabakas-bakas na napapagod. So ako bakit ako magrereklamo? Eto nga ay hirap na hirap."
Mapapanood ang Love. Die. Repeat. weeknights, 8:50 p.m. sa GMA at Pinoy Hits.
Available din ito online via Kapuso Stream kasabay ng pag-ere sa TV.
May replay naman ang serye sa GTV sa oras na 10:50 ng gabi.
Ang Love. Die. Repeat. ay mula sa produksyon ng GMA Entertainment Group.