
Napapanood ngayon sa kilig series na Love At First Read ang isa sa miyembro ng Sparkle Teens na si Josh Ford kung saan gumaganap siya bilang si Train Zapusomo.
Sa panayam ng GMANetwork.com sa binatang aktor, ibinahagi niya na masaya siya na maging bahagi ng series na pinagbibidahan ng tambalang MavLine na sina Mavy Legaspi at Kyline Alcantara.
Aniya, “I am super excited po talaga and super thankful and blessed na naging part po ako ng show na ito.”
Ayon kay Josh, grateful din siya na nakahanap siya ng bagong pamilya sa kaniyang pagiging Kapuso.
Kuwento niya, “It's so nice. It's such a good feeling po talaga kasi sobrang welcoming po nila dito sa Kapuso family and sobrang thankful talaga ako na I'm part of this family.”
Ibinahagi rin ni Josh, ang mga dapat abangan ng mga manood sa kaniyang karakter sa Love At First Read na mas makikilala na ngayong linggo.
“Si Train Zapusomo, siya po ang without spoiling, parang third wheel sa kuwento, I can't spoil pa po pero ayun po, Train, siya po 'yung mayaman, and very well-composed na lalaki sa istorya na ito and marami po kayong makikitang ups and downs, magapagsubok na pagdaraanan po ng character ko,” ani Josh.
Bukod sa MavLine, kasama rin ni Josh ang kapwa niya Sparkle stars na sina Therese Malvar, Bruce Roeland, Mariel Pamintuan, at Larkin Castor.
Ang Love At First Read ay ang television adaptation ng hit Wattpad novel na may parehong titulo. Ito rin ang second installment sa Luv Is series na collaboration project ng GMA at ng Wattpad Webtoon Studios.
Patuloy naman na panoorin ang Love At First Read, Lunes hanggang Biyernes, bago ang 24 Oras.
MAS KILALANIN PA SI JOSH FORD SA GALLERY NA ITO: