TV

Sofia Pablo, Allen Ansay, may sweet message sa isa't isa sa pagtatapos ng 'Luv Is: Caught in His Arms'

By Jimboy Napoles

Sa pagtatapos ng kanilang first-ever primetime series na Luv Is: Caught in His Arms, nagpalitan ng sweet messages ang Sparkle sweethearts na sina Sofia Pablo at Allen Ansay na gumanap bilang sina Florence at Nero.

Matapos ang apatnapung gabi na pagbibigay saya sa mga manonood, nasaksihan nitong Biyernes, March 10, ang finale episode ng nasabing kilig serye - ang first collaboration project ng GMA Network at ng Wattpad Webtoon Studios.

Sa Instagram, idinaan ng lead stars nito at tinaguriang next generation leading lady at leading man na sina Sofia at Allen ang kanilang mensahe para sa isa't isa.

Sa umpisa ng mensahe ni Sofia, binalikan niya kung paano sila nagsimula ni Allen sa paggawa ng vlogs hanggang sa pagbida sa kanilang kauna-unahang teleserye na magkasama.

Aniya, “To my Nero, @itsmeallenansay, maraming maraming salamat for being with me since 2019. Way back, we just kept vlogging and doing TikToks hoping na one day we would eventually become a love team and now here we are wrapping up our first primetime series together.”

Matapos ito, nagpasalamat na ang teen actress kay Allen sa lahat ng suporta na binigay nito habang ginagawa ang kanilang serye.

“Thank you for effortlessly making me happy during our taping days, sa pagsama sa taping kahit wala kang taping masamahan lang ako, sa pag-spoil ng gusto ko na food whenever I crave for something during taping days, for giving me unlimited hugs pag super super super super super lamig na sa Baguio then direk Barry would say, 'O, hanap na ng kaHUG buddy mo!' For never failing na samahan ako each sequence na itatake ko kahit wala ka sa scene. Ang dali dali kiligin sa scenes basta IKAW ang kaeksena,” ani Sofia.

“To more LUVly teleseryes with you. I am so proud of you. Congratulations to us!” dagdag pa ni Sofia.

Sa hiwalay na post, sinagot naman ni Allen ang sweet message ni Sofia patra sa kaniya.

“Salamat my Florence, Hood and Aki kasi hindi ko magagawa si Nero kung wala ka. Thank you sa pagpapalakas ng loob ko at pagpapasaya sa akin sa taping at masaya ako na natutupad na mga pinangarap lang natin dati,” anang teen actor.

Ayon pa kay Allen, ngayon ay hindi pa rin siya makapaniwala na ang dati niyang crush ay naging leading lady niya na ngayon.

“Nakakatuwang isipin na 'yung crush ko noon, leading lady ko na ngayon. Gusto kong sabihin sayo na masaya ako na nakilala kita at lagi mong tatandaan na nandito lang ako para pasayahin ka, asarin ka, pikunin ka at damayan ka lagi,” ani Allen.

Para sa aktor, ito rin ang best show nila so far ni Sofia. Aniya, “Para sa akin ito ang the best na naging show natin dahil napaka daming memories na nabuo natin dito at ang daming mga bagay na natutunan natin sa isa't-isa. Proud na proud ako sayo Aki ko. Congratulations sa atin.”

Samantala, kamakailan ay kinilala rin bilang 'Most Promising Loveteam of the Year' sina Sofia at Allen sa ginanap na Global Trends Business Leaders Awards 2023. Bukod dito, sila rin ang naging cover stars ng local magazine na FreebieMNL Spotlight sa kanilang February 2023 issue.

Sa ngayon, naghahanda na rin sina Sofia at Allen sa kanilang first digital series ng GMA Public Affairs na pinamagatang In My Dreams.

SILIPIN ANG KILIG PHOTOS NINA SOFIA PABLO AT ALLEN ANSAY SA GALLERY NA ITO: