TV

Arra San Agustin at Juancho Triviño, bibida sa 'Madrasta'

By Jansen Ramos

Bibida sina Arra San Agustin at Juancho Triviño sa upcoming GMA afternoon series na Madrasta.

Arra San Agustin and Juancho Trivino

First time nilang nalaman sa story conference ng programa ngayong Biyernes, July 5, kung anong klaseng karakter ang kanilang gagampanan kaya, anila, pressured sila dahil mature ito kumpara sa mga nakagawian nilang roles.

Saad ni Arra, "I'm excited and, at the same time, scared and kinakabahan siyempre, pero mostly I'm very happy."

Dagdag pa niya, "It's huge, it's my first time portraying a lead role syempre 'yun nga marami talagang expectation dito kasi 'yung mga tao marami silang masasabi kasi [bago akong] mukha sa TV, pero more so I'm doing it naman for the craft."

Para naman kay Juancho, ayaw daw niyang mapahiya sa kanyang role kaya puspusan ang kaniyang paghahanda para rito.

"Pressured pero katulad ng pinag-usapan namin, we want to prepare nang mabuti dito sa gagawin namin siyempre para maipakita namin 'yung other side of us. We've been doing a lot of projects pero since one of the first lead roles namin ito, gusto naming ipakita 'yung ibang side of us , ibang character 'yung makita ng mga tao," ika niya.

Dagdag pa ni Juancho, naniniwala siyang mababawasan ang kanyang kaba dahil komportable na siya sa production staff at sa kanyang co-stars dahil ang ilan sa mga ito ay nakatrabaho na niya sa Inday Will Always Love You tulad nina Gladys Reyes at Manilyn Reynes.

"Si Ate Gladys, she'll be portraying my mommy. At least kahit papaano, komportable na ko sa kanya. I mean it's gonna be easy to work with her and siyempre the production, they've been good sa Inday Will Always Love You. It's good to see familiar faces."

Bukod kina Gladys at Manilyn, makakasama rin nina Arra at Juancho sa Madrasta sina Phytos Ramirez, Kelvin Miranda, at Thea Tolentino.

Dapat ring abangan ang nagbabalik-Kapusong si Almira Muhlach na huling napanood sa GMA Network noong 2007 sa action-drama series na Lupin.

Ang Madrasta ay idederehe ni Monti Pangurao.