TV

Magpakailanman presents 'Sinapupunang Paupahan'



Papayag ka bang magpabuntis kapalit ng malaking halaga?

Hindi na bago kay Naneth ang pagdadalang-tao. Hindi man siya tuluyang naging ina, naranasan naman niya ang hirap ng pagbubuntis… at ang sakit na mawalan ng anak. Kaya nang alukin siya ng isa sa mga customer niyang maging baby maker, buo agad ang loob ni Naneth sa pagtanggi dito.

Pero dahil sa hirap ng buhay, at dahil sa malalang sakit ng kaniyang ina, mababago ang isip ni Naneth. Mabait naman ang customer niyang si Rudy. Disente, kahit nambababae. Ang gusto lang raw nito ay magkaroon ng isang anak dahil baog ang misis niya. Kaya kahit labag sa unang sagot niya, mapapapayag na ni Rudy si Naneth- na maging baby maker ito.

Hindi magtatagal ay makakabuo rin sina Rudy at Naneth. At malalaman ni Naneth na hindi pala naging tapat si Rudy sa asawa niya. Magugulat na lang si Naneth nang biglang hindi magparamdam ang lalake, matapos mangako na siya ang sasagot sa lahat ng mga gastusin ni Naneth, on top of the allowance na matatanggap niya dahil hindi siya makatanggap ng trabaho.

‘Yun pala ay nabisto si Rudy ng misis niya. At hihiwalayan siya nito kung hindi niya tatalikuran ang magiging anak sa labas! Sasabihin nito kay Naneth na ipalaglag na lang ang magiging anak... saka ito itataboy!

Paano na si Naneth matapos ng dagok na ito sa kanyang buhay? Magagawa nga ba niyang ipalaglag ang bata? O paninindigan ba niya ang pagbubuntis niya? Pero, paano niya bubuhayin ang batang hindi naman niya ginusto?

Ano ang gagawin niya ngayong ang sagot dapat sa problema niya ay isa na ring problema?

Alamin kung ano ang nangyari sa buhay ni Naneth ngayong Sabado, April 12, sa Magpakailanman!

Itinatampok si Carla Abellana sa kaniyang natatanging pagganap bilang Naneth sa episode na pinamagatang “Sinapupunang Paupahan.” Kasama sina Ryan Eigenmann, Ina Feleo, at Janine Desiderio, sa ilalim ng direksyo ng Laurice Guillen.

“Sinapupunang Paupahan” was written by Venj Pellena, based sa research ni Loi Argel Nova.