TV

Kristoffer Martin, na-challenge sa unang gay role


Nang tanungin noon ng GMANetwork.com si Kapuso actor Kristoffer Martin kung tatanggapin niya ang isang gay role, sinabi niyang hindi siya magdadalawang-isip na kunin ito.

Isa pang dahilan niya ay ang pagiging successful ng My Husband‘s Lover, ang teleserye ng GMA na naging maingay dahil sa pagganap nina Dennis Trillo at Tom Rodriguez bilang mga bading.

Kaya naman nang i-offer kay Kristoffer ang role ng isang bading sa Magpakailanman, agad niya raw itong tinanggap.

Sa interview ng GMA News kay Kristoffer, inamin niyang nahirapan siya sa pagganap sa buhay ni Christopher Aguinaldo o mas kilala bilang Nognog. Dagdag pa niya, talaga raw kinabahan siya dahil ito ang unang beses niyang pumapel na bading.

Maganda ang istorya ni Nognog dahil hindi ito laging nangyayari sa tunay na buhay. Isa raw kasing siga noon si Nognog na galit sa mga bading. Pero nang dumating sa buhay niya si Anton, nahulog ang loob niya rito. Dahil dito, unti-unti nang nagmahal ng isang lalaki si Nognog at tuluyan nang naging bading.

Pag-amin ng aktor, marami raw siyang pinagdaanan para buhayin sa sarili ang character ni Nognog. “Binasa ko 'yung script, inilalagay ko na lang 'yung sarili ko doon sa character. Nahihirapan ako noong una. Humaharap ako sa salamin. Natatawa ako sa sarili ko kapag ginagawa akong bakla,” aniya. 

Malaki raw ang naitulong mismo ni Nognog kay Kristoffer dahil nakausap niya ito bago sila mag-shoot. Bukod pa kay Nognog, hindi rin daw siya pinabayaan ng kanilang direktor. “Noong nagsu-shoot na kami, si Direk Neal (de Rosario) (ay) nakagabay naman,” pahayag ni Kristoffer.

Dahil gay ang role ni Kristoffer, asahan siyang makikitang nakasuot ng false eye lashes, naka-make up, nakaayos ang buhok, at nakadamit ng pambabae.

Ayon kay Kristoffer, excited na raw siyang mapanood ang sariling pagganap sa buhay ni Nognog sa Magpakailanman ngayong Sabado.

Abangan si Kristoffer Martin bilang isang bading sa “Siga Noon, Beki na Ngayon” episode ng Magpakailanman, ngayong Sabado ng gabi. 

- Text by Al Kendrick Noguera, GMANetwork.com