
Bubuksan ni Asia's Multimedia Star Alden Richards ang buwan ng August sa isa na namang natatanging pagganap sa real life drama anthology na #MPK o Magpakailanman.
Sa unang episode ng kanyang Alden August month-long special para sa #MPK, gaganap si Alden bilang isang marathon runner na may kundisyong dystonia.
Ang dystonia ay isang movement disorder kung saan nagkakaroon ng involuntary muscle movements ang isang tao.
"It just so happened na 'yung kanya, cervical so it really involves the spine. 'Yun kasi 'yung parang [isa sa] pinaka crucial na parts na katawan natin, the spine, kasi nandiyan lahat eh--'yung balance, 'yung movement, mobility etc.," kuwento ni Alden.
RELATED CONTENT: Silipin ang ilang eksena ni Alden Richards at Sanya Lopez sa #MPK:
Bilang paghahanda, nakausap ni Alden si Jirome de Castro, ang taong isasadula niya ang talambuhay.
"Ang maganda lang dito sa story niya, despite his condition, marathon runner siya. I've never played a role with such condition. I was given a chance na makausap siya before we started taping," bahagi ni Alden.
Makakasama ni Alden sa episode si Kapuso actress Sanya Lopez na personal daw niyang ni-request na makapareha sa #MPK.
"Siyempre nakakatuwa. First time namin na magkatrabaho pero hindi niya pinaramdam sa'kin na first time," reaksiyon ni Sanya sa pagpili sa kanya ni Alden.
Dagdag pa ng aktres na dapat daw abangan ang ipapamalas na acting ni Alden sa episode.
"May mga intense na eksena, may mga iyakan, especially sa kanya," lahad ni Sanya na gaganap bilang supportive na asawa ni Jirome na si Geraldine.
Abangan ang natatanging pagganap ni Alden Richards sa brand new episode na "A Runner to Remember: The Jirome de Castro Story," August 5, 8:15 p.m. sa #MPK.
Naka-livestream din nang sabay ang episode sa GMANetwork.com, sa YouTube account ng GMA Network at sa Facebook at TikTok accounts ng #MPK.
Huwag ding palampasin ang iba pang episodes ng Alden August month-long special ng #MPK, every Saturday this month, pagkatapos ng Battle of the Judges.