TV

Magpakailanman presents “Asawa Mo, Asawa Ko: The Noah and Mae Castillo Story”



Isang mister na nagtaksil, ginantihan ni misis!

Hindi na bago sa mga balita ang kuwento ng isang mister na niloloko ang kanilang mga misis. Pero sa kuwentong tampok ngayong Sabado sa Magpakailanman, ang panloloko ni mister ang magtutulak kay misis para siya ring magtaksil…kasama ng asawa ng babaeng kinakalantari ng kaniyang mister!

Ito ang kuwento ng buhay mag-asawa nina Noah at Mae Castillo, mag-asawa na may mga pagkukulang sa isa’t-isa, mag-asawa na may hinahanap pang ibang magpapaligaya sa kanila. Mga hinahanap na kanilang natagpuan sa dalawang taong mag-asawa na rin.

Paano sila natulak magtaksil? Paano nila itinago ang kani-kanilang mga lihim? At higit sa lahat, paano nila inayos ang kanilang mga pagsasama para magkabalikan ang mga dapat mag-asawa?

‘Yan ang ating tutuklasin ngayong darating na Sabado, ika-2 ng Agosto, sa Magpakailanman—pagkatapos ng Marian.

Itinatampok sa episode na ito sina Rafael Rossell, Jackie Rice, Mike Tan, at ang recently awarded Best Supporting Actress sa FAMAS, Bela Padilla, sa ilalim ng masugid na direksyon ni Argel Joseph, sa panulat ni Senedy Que, at pananaliksik ni Angel Launo.