TV

Magpakailanman presents 'Nagliliyab na Puso'



Hanggang saan ang kaya mong tiisin para sa iyong mga anak? Paano kung ang tinitiis mo ay ang pang-aabuso ng iyong asawa?

Isang mainit na episode ang handog ng Magpakailanman ngayong Sabado. Tunghayan ang kuwento tungkol sa isang babaeng nagpakabulag sa pag-ibig at nagpaka-martyr para sa pamilya at kung ano ang nangyari para siya ay matauhan, at lumaban para maiayos ang kaniyang buhay.

Lumaki si Mary Jane na walang kumpiyansa sa sarili, dala na rin ng kaniyang mahinang pangangatawan at kapansanan na dulot ng isang aksidente noong kabataan niya. Kaya naman nang magpakita ng interest sa kaniya ang tricycle driver na si Denden, maging ang ina niya ay halos itulak na siya para sagutin ang manliligaw.

Ilang buwan lang ang lilipas at mabubuntis si Mary Jane, at mangangako naman si Denden na pananagutan niya ito. Titira ang dalawa sa poder ng ama ni Mary Jane, at doon magsisimula ng kanilang bagong buhay. Hindi man kasal, pero parang mag-asawa na rin.

Dito malalaman ni Mary Jane ang tunay na ugali ni Denden. Seloso ang lalaki, madaling magalit, mabilis uminit ang ulo, at nananakit.

Hindi maiwan ni Mary Jane ang tanging lalaking nagkagusto sa kaniya, na minahal siya—

Pero paano kung buhay na niya at ng mga anak niya ang malagay sa peligro? Magagawa ba ni Mary Jane na tanggapin pa rin ang asawa?

Paano kung, dala ng kahibangan, ay sunugin ni Denden si Mary Jane ng buhay? Magagawa pa ba niya itong patawarin? O matatauhan na ba si Mary Jane at hihiwalayan ang tanging lalaking minahal niya?

Alamin ang pupuntahan ng kuwento nina Mary Jane at Denden, ngayong Sabado sa Magpakailanman, pagkatapos ng Marian.

“Nagliliyab na Puso” stars Katrina Halili, Paolo Contis, and Tommy Abuel; sa ilalim ng direksyon ni Maryo J. delos Reyes, sa panulat ni Senedy H. Que, at sa pananaliksik ni Loi Argel Nova.