TV

Magpakailanman presents 'Teacher ko, Rapist ko'



Ang guro ang itinuturing na pangalawang magulang ng isang bata sa eskwelahan pero paano kung ang mismong titser pa ang walang awang magsasamantala sa inosente at menor-de-edad na batang ipinagkatiwala sa kanya?

Ngayong Sabado, tunghayan natin ang kwento ni Myla – isang 13 anyos na dalagita na ginahasa at binuntis pa ng kanyang sariling guro!

Nagkasakit si Myla nang malubha noong bata pa. Ito ang naging dahilan kaya naging mabagal at mahina s’ya sa klase. Pero kahit laging nahuhuli, nagsisikap si Myla na makasabay sa kanyang mga kaklase at makapagtapos ng pag-aaral. Suportado rin ng kanyang mga magulang ang kanyang pangarap.

Paborito si Myla ng kanyang titser na si Sir Paras. Tinutulungan s’ya nito sa mga class recitations at ipinagtatanggol pa s'ya sa mga bullies. Pero ang totoo, may masama palang balak kay Myla si Sir Paras!

Isang araw, pinatawag si Myla ni Sir at ginahasa s’ya nito nang paulit-ulit! Nabuntis si Myla! Tinakot siya ni Sir Paras na kapag nagsumbong siya sa iba ay papatayin siya nito!

Kanino ngayon tatakbo si Myla para humingi ng tulong? Paano matatanggap ng kanyang pamilya ang nangyaring krimen? Makuha pa kaya ni Myla ang hustisyang kailangan niya?

Ngayong Sabado, August 8, ating abangan sa Magpakailanman ang isang napapanahong kwento, “Teacher ko, Rapist ko.”

Itinatampok ang Kapuso teen star na si Bianca Umali sa kanyang mahusay na pagganap bilang Myla. Kasama sina Al Tantay, Alma Concepcion, Bettina Carlos, Diva Montelaba, Rich Asuncion, Vince Velasco at James Blanco.

Sa ilalim ng direksyon ni Neal Del Rosario, mula sa panulat ni Senedy Que, at pananaliksik nina Karen Lustica at Stanley Pabilona.