TV

Magpakailanman presents 'Ang ganda na 'di nakikita: The Paul John Presado story'



Ngayong Sabado, abangan ang kauna-unahang pagbibida ni Boobay sa nakakatawa ngunit nakakaantig na kuwento ng viral dubsmasher na si Paul John Presado sa Magpakailanman.

Gagampanan ni Boobay ang karakter ng masayahing si Paul John na nakilala sa social media dahil sa kumakalat niyang mga videos na nagda-dubsmash habang nakasakay sa jeep.

Pero bago niya makamit ang naguumapaw na views, likes at shares, matinding panghuhusga muna ang natanggap niya mula sa ibang tao at pamilya dahil sa kanyang hitsura.

Kahit solong anak, pakiramdam niya ay hindi siya nabigyan ng sapat na atensyon ng kanyang mga magulang.

Ang atensyon at pagmamahal na hindi matagpuan sa pamilya, hinanap niya sa ibang tao.

Natuto siyang umibig ngunit maaga ring nasaktan. Pero sa kabila ng mga natatanggap na masasakit na salita, pagkabigo sa pamilya at sa pagibig, hindi tumigil si Paul John sa pagsali sa mga pageants para patuloy na magpamalas ng kakaibang talento sa pag-arte at pagdadubsmash.

Umasa siyang balang araw, matatanggap ng kanyang pamilya kung sino at ano talaga siya.

Paano ginamit ni Paul John ang ganda na ‘di nakikita para makilala at makamit ang pagmamahal na matagal nang inaasam?

Huwag palampasin ang natatanging pagganap ni Boobay na magpapatawa at magpapaluha sa atin, ngayong Sabado sa Magpakailanman. Kasama rin sa episode sina Michael de Mesa, Enzo Pineda, Shyr Valdez, Elle Ramirez at Arny Ross.

Sa ilalim ng direksyon ni Mark dela Cruz, mula sa panulat ni Jessie Villabrille at pananaliksik ni Loi Argel Nova.

Ilaladlad na ngayong Sabado ang ganda na ‘di nakikita, sa programang nagpapakita ng tunay na kuwento ng mga totoong tao, Magpakailanman, pagkatapos ng Pepito Manaloto.